Iwas check up sa abroad!

SA bigat ng trabaho sa ibayong dagat, bukod pa sa napakaraming mga problema at alalahanin ang isang OFW, tiyak na apektado ang kalusugan nito.

Pero ayaw ding magpa-check up ng ating mga kababayan sa ibayong dagat. Ang totoo, naghahanap talaga sila ng mga kapwa Pinoy na manggagamot, pakiramdam kasi nila mas madaling magsabi ng lahat nilang nararamdam at madali pa silang magkaintindihan.

Reklamo naman ng iba, palaging okay ang isinasagot ‘anya sa kanila ng mga Doktor na nilalapitan kapag nagpapa-check up sila sa abroad.

May nagpa-opera naman na ginawang highway ‘anya ang kaniyang tiyan. Di pa nakuntento, animo nilagyan pa ng fly over dahil nagkamali ang tinahi ng dayuhang doktor.

Kaya naman, nagtitiis na lamang ang Ilan nating mga kababayan sa mga sakit na nararamdaman at hihintayin na lamang ‘anya nila ang kanilang pag-uwi sa Pilipinas upang dito na lamang magpagamot.

Mahirap din talaga ang kalagayan ng ating mga Pinoy sa abroad. Maliban na lamang kung emergency cases, talagang hindi maaasahang magpa-check up ang mga iyon.

Kapag nasa abroad pa naman, at sa kasagsagan ng alakasan ng ating mga kababayan, hindi sila nagiging palaisip sa kanilang mga kalusugan.

Superman at Wonder Woman pa nga ang kanilang mga pakiramdam. At siempre pa, kasabay din ng pagkakaroon ng magandang trabaho at malaking kinikita sa ibayong dagat, kung kaya’t feel na feel nila ang tila forever na magandang buhay.

Nariyan din ang labis na pang-aabuso sa kanilang mga katawan. Ang pagkalulong sa bisyo o droga pa nga at maging ang labis na pagpupuyat ng walang kabuluhan.

Pakaisipin sana ng ating mga kababayan, na nag-Iisa lang ang regalong buhay sa atin sa araw-araw.

Hindi rin pupuwedeng manatili sa abroad ang masasakitin.
Kaya pangalagaan sana ito at huwag abusuhin.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com

Read more...