PATULOY na umaani ng karangalan ang mga Pilipinong may kapansanan sa ginaganap na 3rd Asian Para Games sa Indonesia.
Tatlong gintong medalya ang napagwagian ng Philippine chess team Miyerkules para umangat sa lima ang kabuuang gintong medalya ng Pilipinas dito.
Ayon kay head coach James Infiesto, ang tatlong ginto sa chess ay galing sa men’s team standard (P1 category), men’s team standard (B2-B3) at individual standard (P1).
Dalawa rito ay galing kay Fide Master Sander Severino na nanalo sa individual at team sa P1. Kasama niya sa P1 team sina Henry Lopez at Jasper Rom.
Ang Philippine blind chess team (B1-B2) naman ay binubuo nina Menandro Redor, Arman Subaste at Israel Peligro.
“Karangalan ito para sa bayan, galing sa mga atletang may kapansanan,” sabi ni Infiesto.
Nagwagi naman ng silver medal si Redor B2/B3 Individual standard event habang nakakuha ng bronze medal sina Jasper Rom sa P1 individual standard event at Arman Subaste sa B2/B3 individual standard event.
Habang sinusulat ang balitang ito ay lumalaban pa ang PH chess team sa rapid event kung saan inaasahang makakasungkit pa ito karagdagang medalya.
Nanalo rin ng pilak ang swimmer na si Ernie Gawilan men’s 100m freestyle S7 para idagdag sa naunang napagwagian niyang ginto sa men’s 200m individual medley (SM7) at pilak sa 50m freestyle noong Linggo.
Ang isa pang ginto ng Pilipinas ay nakuha ni Kim Ian Chi sa mixed gender singles tenpin bowling