ALAM ng mga Pinoy na gumagamit ng Internet na naglipa ang fake news sa social media, ayon sa survey ng Pulse Asia.
Tinanong ang mga respondent kung pabor sila o hindi sa pahayag na nagkalat ang pekeng balita sa social media.
Pabor sa pahayag na ito ang 79 porsyento at siyam na porsyento lamang ang hindi. Ang undecided naman ay 12 porsyento.
Ito ay tumaas kumpara sa 59 porsyento na pabor sa survey noong Hunyo 2017. Ang hindi naman pabor ay 21 porsyento at ang undecided ay 20 porsyento.
Sinabi naman ng 88 porsyento na nakakita o nakabasa na sila ng fake news, at 12 porsyento naman ang hindi pa.
May 51 porsyento naman na nagsabi na naimpluwensyahan ang kanilang opinyon ng kanilang nabasa sa social media. Ang hindi naman naapektuhan ay 49 porsyento.
Pinakamarami pa rin ang mga Filipino na mayroong Facebook account (100 porsyento ng mga respondent), 17 porsyento ang may Instagram, 11 porsyento ang may Twitter, tatlong porsyento ang may LinkedIn at dalawang porsyento ang may Pinterest.
Sa tanong kung gaano kadalas tignan ang kanilang social media account, 44 porsyento ang nagsabi na mahigit isang beses kada araw, 20 porsyento ang isang beses kada araw, 20 porsyento ang dalawa hanggang anim na beses kada linggo, walong porsyento ang isang beses kada linggo at walong porsyento ang mas madalang sa isang beses kada linggo.
Sinabi ng 47 porsyento na sila ay mayroong access sa Internet at 53 porsyento ang wala.
Sa mga gumagamit ng Internet, ang madalas nilang gamitin ay mobile phone (94 porsyento), 13 porsyento sa internet café, 11 porsyento ang may computer o laptop sa bahay, 8 porsyento ang tablet, 2 porsyento ang computer o laptop sa opisina, at 0.01 porsyento ang Smart TV.
Kinuha sa survey ang opinyon ng 1,800 respondents. Mayroon itong error of margin na plus/minus 2.3 porsyento.