Religious group puro sablay
ang mga inendorso kay PNoy
DA who itong mataas na opisyal ng gobyerno na nagtaray habang kinakapanayam sa radyo ng isang reporter na na nagkokober ng Malacanang?
Usap-usapan ngayon ang pagsusungit ng opisyal. Ang biruan tuloy ng mga reporter, hindi pa man dumarating ang 2016 kung umasta na ay sobra-sobra. Sinasampulan na ng opisyal ang mga mamamahayag sa 2016.
Halatang-halata ang pabalang na sagot nitong opisyal na ito nang sunud-sunurin siya ng tanong ng isang anchor-reporter. Ang tanong tuloy ng mga mamamahayag, ganon din kaya itrato ng opisyal na ito ang mga reporter na nagkokober sa kanya ngayon o nagpapraktis lamang siya kung sakaling maupo sa pinakamataas na pwesto. Ang ending, isang araw matapos ang panayam, sinopla rin siya ng bansang dapat niyang puntahan matapos siyang hindi payagang makatungtong dito. Alam nyo na kung sino ang sinasabi ko.
Isang araw matapos sabihin ni dating National Irrigation Administrator Antonio Nangel na isang taon dapat ang palugit bago siya palitan sa pwesto para sa maayos na turnover, hindi na nagpatumpik-tumpik si Pangulong Aquino at itinalaga ang kanyang kapalit na si Claro Maranan.
Noong araw na nanermon si PNoy sa mismong ika-50 anibersaryo ng NIA, nagpahanap na siya kaagad nang ipapalit kay Nangel. Sinasabing malakas ang kapit ni Nangel dahil isang maimpluwensiyang religious group ang nag-endorso sa kanya para maiupo sa NIA. Dahil sa kapalpakan, hindi na napigilan ni PNoy ang talas ng bibig nito kaya inungkat ang kabiguan ng NIA na gawin ang trabaho nito na magpagawa ng irigasyon para sa mga magsasaka.
Hindi ito ang unang pagkakataon na pumalpak ang opisyal na inendorso ng maimpluwensiyang religious group na ito. Hindi bat isa pang dating opisyal na kilalang malakas din sa religious group na ito ang sinibak ni PNoy dahil naman sa alegasyon ng extortion sa ahensiyang kanyang hinawakan.
Sa pag-upo naman ni Maranan, umaasa naman ang mga magsasaka na mabibiyayaan na sila ng irigasyon na kinakailangan sa kanilang pagsasaka.
Nakatakda ring sibakin ni Pangulong Aquino ang isang opisyal na kilalang sangkot sa anomalya sa kanyang ahensiyang kinabibilangan. Ang siste, hindi masawata ang smuggling sa bansa dahil mismong ang opisyal na ito ang nagsisilbing protektor ng ilegal na aktibidad. Buking na buking na ang opisyal na ito kay PNoy sa ginagawa nito sa ahensiya.
Isa namang mambabasa ng Inquirer Bandera ang nananawagan kay Vice President Binay at sa anak niyang si Makati City Mayor JunJun Binay na sibakin ang opisyal ng PNP na nakatalaga sa lungsod dahil daw sa sama ng pag-uugali.
Reklamo ni Tess, 45 ng Makati, mahilig ang opisyal na magmura, manlait at manakit, kagaya ng pananadyak at panununtok. Ayon pa sa panawagan ni Tess, hindi magiging kabawasan, kundi magiging karagdagan pa kina Binay at mga mamamayan ng lungsod, kung sakaling tanggalin sa pwesto ang opisyal na tinatawag na isang Lukban.
Editor: Para sa komento, reaksyon o reklamo, i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.