PAWANG mga kababaihan ang mga OFW natin sa Hong Kong.
Marami sa kanila ang nagtatrabaho sa bahay at tinatawag na mga household service workers.
Sila ang mga Pilipinang tiniis na iwanan ang kanilang pamilya upang kahit papaano’y maibsan ang kahirapang dinaranas sa bansa.
Ilan sa kanila ay mga asawang pilit na ginagampanan ang responsibilidad ng kanilang iresponsableng mga mister upang maitaguyod ang pamilyang patuloy na lumalaki.
Mga inang binabalot ng labis na kalungkutan na iwan sa ibang tao ang pangangalaga ng kanilang sariling mga anak upang mag-alaga sa anak naman ng iba.
Mga dalagang tao na animo’y pagkalalaki-laking pamilya ang sinusuportahan dahil inako na nila ang pagtataguyod sa buong pamilya, pangangalaga sa matatanda nang mga magulang, pagpapaaral sa mga nakababatang kapatid ultimo pati sa kanilang mga pamangkin at iba pang mga kaanak.
Kaya naman ni sariling buhay ay nakaligtaan na rin nila.
Gayong may iba talagang pinili na huwag nang mag-asawa, ngunit marami rin sa kanila ang pilit na tinalikuran ang mga ka-relasyon kapalit ng pagtatrabaho sa abroad dahil sa mabigat na responsibilidad na nakaatang sa kanilang mga balikat.
Pero ano nga ba ang kahihinatnan ng labis na pagpapagal at pagsasakripisyo ng mga kababaihan nating ito?
Sulit nga ba ang lahat ng kanilang paghihirap?
Nagtapos ba sila sa kanilang pag-abroad na maligaya, kuntento at masasabi naabot nila ang anumang mithiin sa buhay na siyang puno’t dulo ng kanilang pangingibangbayan?
Maging sarilingng mga kalusugan ng ating mga OFW ay napapabayaan na rin ng mga kababaihan nating ito.
Todo-todo sa pagta-trabaho, feeling Super Woman at para bang hindi dadapuan ng anumang karamdaman.
Nababahala na rin ang Konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong hinggil sa sunod-sunod na pagkakasakit ng ating mga OFW.
Kaya naman kaugnay nito, ipinapanukala ni Labor Attache Nida Romulo na magkaroon ng annual check up ang mga OFW natin doon, at dapat sagot ng kanilang mga employer ang naturang mga gastusin.
Hindi nga maaaring patuloy na nagpapaka-bayani ang mga OFW natin kapalit ng kanilang mga kalusugan at mismong sariling mga buhay.
Maraming salamat sa inyo Labatt Nida at napakalaking tulong niyan sa ating mga Pinay OFW.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com