PITONG buwan natengga sa pag-arte ang Kapuso artist na si Thea Tolentino.
Huli siyang napanood sa afternoon series na Haplos at sa Oct. 22, maghahasik muli siya ng bagsik sa isa na namang challenging role sa Asawa Ko, Karibal Ko.
Isang transwoman ang role ni Thea at si Jason Abalos ang unang lalabas sa programa bilang siya. Iisipin ng lahat na patay na si Jason at sa muli niyang pagbabalik, babaeng-babae na siya to be played nga by Thea.
Ano ang takot niya sa bagong character kumpara sa mga una na niyang nagawa as kontrabida?
“Siyempre, alam natin na napaka-sensitive ng topic na ‘to. Ngayon alam nating lahat na ipinaglalaban ng LGBT community ang equality.
“Ako kasi, sa totoo lang, wala akong masyadong alam sa nangyayari lalo na sa LGBT community. So nakatulong sa akin. May nakausap ako na friends ni direk (Mark Sicat dela Cruz) na transwomen and ngayon, alam ko ‘yung ipinaglalaban nila kasi naramdaman ko,” rason ni Thea.
Aminado ang Kapuso actress na hirap siya pagdating sa kanyang boses sa series.
“Kasi kahit matagal na silang nag-transition, ‘yung boses nila, sa karamihan ng nakita, tumaas din naman pero hindi pa rin siya sobrang taas. Mababa pa rin. So ‘yun ang winu-workout ko. Ang hirap nga po! Ha! Ha! Ha!” saad ng dalaga.
Humingi si Thea ng tips kay Ken Chan na lumabas din noon bilang transwoman sa seryeng Destiny Rose.
“‘Yun ang ginagawa ko ngayon. ‘Yung sanayin ang boses ko na mababa na kaya ko pa ring umarte!” diin ng Kapuso actress.
Sa bagong series, si Kris Bernal naman ang makakabangga niya, pag-aawayan nila ang balik-Kapuso na si Rayver Cruz.