Bea: Iniisip ko pa lang na si Aga Muhlach ang kaeksena ko, nagpi-freak out na ‘ko!

AGA MUHLACH AT BEA ALONZO

MAGSISILBING birthday gift para kay Bea Alonzo ang bago niyang pelikula na “First Love” kasama si Aga Muhlach dahil ang showing nito at sumakto sa kaarawan niya sa Okt. 17.

Inamin ni Bea na nasa bucket list niya ang makatambal sa isang proyekto si Aga at natupad na nga ito ngayon. Hindi itinago ng aktres na sobrang excited siya nang malamang may gagawin siyang pelikula kasama ang tinaguriang timeless actor.

Kuwento ng aktres sa media day ng “First Love” na idinirek ni Paul Soriano, “May pupuntahan ako, ‘yung pupuntahan ko walang signal. Nakatanggap ako ng text galing kay Aga Muhlach. Sabi niya, ‘Hi Bea, I have a project for us, can I call you?’

“Sabi ko talaga sa driver ko, ‘sandali, sandali, tumigil ka, tatawag si Aga Muhlach!’ Tapos tinata-try kong ikalma ang sarili ko. And then, ‘Hi, hi po, Kuya Aga, kumusta na?’ Pero ang taas ng boses. Kinakabahan.

“Tapos sinabi nga niya, na sobrang excited din ang boses niya, sabi niya, ‘Galing dito si Paul, mayroon kaming project, open ka ba, ganyan-ganyan. Hindi pa niya natatapos ang sasabihin niya, sumagot na ako ng, ‘opo, opo, sige gumawa tayo ng pelikula.’

“Bakit ka naman tatanggi sa isang Aga Muhlach. Akala ko hindi na ako magkakaroon ng chance. Kasi nakatrabaho na siya ng mga babae sa generation ko like sina Angelica (Panganiban), Angel (Locsin), Anne (Curtis), tapos akala ko hindi na mangyayari.

“Pangarap ko talaga siyang makatrabaho until ito na nga. Siguro ngayon ang perfect time at ito ang perfect project, kaya dream come true talaga,” sabi ni Bea.

At sa unang eksena nila ay inamin niyang sobra siyang kinabahan.

“Sinabi ko kay Aga na sobra ang nerbyos ko. Iyon ‘yung first ever scene na ginawa namin. Sinabi niya sa akin na ‘wag akong mag-alala kinakabahan din siya.

“Minsan kasi kapag malaking aktor na o star ang kasama mo hindi mo normal na maririnig ‘yun, normally may ego, ‘di ba? That made me comfortable. Na parang pareho kami. We’re equal,” aniya pa.

Pagpapatuloy pa ng dalaga, “Iniisip ko na si Aga Muhlach ang kaeksena ko, nagpi-freak out ako. Hindi ko alam kung maiintindihan ito ng marami, pero big deal siya para sa akin. Until sinabi nga ni Aga na, ‘relax, ako rin kinakabahan ako.’ And from then, nag-relax na ako. At ie-enjoy ko ito (shooting).”

Natatawa pang sabi ng aktres na paiba-iba ang tawag niya kay Aga dahil sa sobrang hiya, “Hindi ko nga alam kung saan ko ilulugar ang sarili ko, nahihiya nga ako, minsan nga Mr. Aga Muhlach, Doc Aga (karakter ng aktor sa Okidoki Doc), Kuya. Hindi ko nga alam, nahihiya ako.”

Sa Vancouver, Canada kinunan ang “First Love” at inabot sila ng halos isang buwan doon kaya na-develop ang maganda nilang samahan.

“He has always been one of my favorite actors and now, I not just get the chance to work with him but also to discover how good he is as an actor but also as a person.

“Kahit mabigat ang eksenang ginagawa namin, he has a way of making it easy para hindi kami pareho mahirapan. He’s a very generous co-actor and I’m so thrilled to be working with a brilliant actor like him,” papuri ng aktres kay Aga.

Sabi pa, “Ang sarap nilang kasama. ‘Yung nandoon ka sa isang magandang lugar habang nagtatrabaho ka.

Para kang nagbabakasyon lang. Parang dream nga ‘yung buong movie, para akong nanaginip tapos paggising ko, may pelikula na ako.”

Gagampanan ni Bea ang karakter ni Ali na kailangan ng heart transplant kaya pumunta sila sa Canada kasama sina Sandy Andolong at Albie Casino bilang nanay at kapatid niya sa pelikula.

Hindi raw sila nag-shoot sa mga tourist spot kundi sa mga local places sa Vancouver na kadalasan ay sa coffee shops.

Si Aga ay si Nick at kilalang financial adviser ng mga kilalang kumpanya sa Canada at dito sila nagkakilala hanggang sa nagkagustuhan.

Mapapanood na ang “First Love” simula sa Okt. 17 mula sa Ten17 productions, Viva Films at ABS-CBN Films sa direksyon ni Paul Soriano. Kasama rin dito si Edward Barbers na may mahalagang papel sa pelikula.

Read more...