MAY formula kasing sinusunod ang Star Cinema kaya talagang pinakikialaman nila ang script kasi sila ang producer,” ito ang sabi sa amin ng isang taga-ABS-CBN tungkol sa pagre-resign ni Erik Matti bilang direktor ng “Darna”.
Open-secret na ang isyung ito, nababago talaga ang script ng isang pelikula base sa panlasa ng mga bossing ng Star Cinema at saka may karapatan naman sila dahil sila nga ang producer.
Ito ang tunay na dahilan kaya hindi na itinuloy ni Direk Erik ang “Darna” ni Liza Soberano, hindi sila nagkaintindihan dahil sa “creative differences” na inamin naman sa official statement ng ABS-CBN.
Sabi pa ng aming source, “Unless ikaw ang producer at iri-release lang ng Star Cinema, doon wala silang pakialam sa kuwento o script.”
Parang ganito rin ang naging problema sa movie na “Marawi: Children of the Lake” ng Spring Films, nag-resign din ang direktor nitong si Sheron Dayoc dahil hindi sila nagkasundo in terms of execution.
Pareho lang ang katwiran ng Spring Films producers sa at Star Cinema, may karapatan din silang pakialaman ang script dahil sila nga ang producer.
Sabi ng aming kausap na may kinalaman sa “Marawi” project, “Kinomisyon si direk Sheron to do the movie, therefore, Spring films has all the right kung anong gusto nila sa script, unless si direk Sheron ang producer o co-producer para may say din siya. E, wala naman, he was hired to direct the movie.”
Going back to direk Erik, bagama’t siya ang bumuo ng konsepto ng milenyal Darna ni Liza sa loob nang limang taon na kinomisyon din siya ng Star Cinema ay hindi naman siya co-producer kaya hindi rin siya ang nasusunod.
Samantala, wala pang 48 oras na inanunsyong nagbitiw na si direk Erik ay may kapalit na siya kaagad, ang premyadong direktor na si Jerrold Tarog.
Si direk Jerrold ang direktor ng mga pelikulang “Heneral Luna” at “Goyo: Ang Batang Heneral” mula sa TBA Studios.
q q q
Hindi pa binabanggit sa amin kung anong titulo ng pelikulang gagawin ni Direk Sigrid Andrea Bernardo pero ang sure raw ay sa Enero, 2019 na ito isu-shoot sa bansang Georgia.
“Pero sa December, may mga eksenang kukunan na sa Pinas,” sabi ng aming source.
Sina Bela Padilla at Xian Lim ang bida sa bagong pelikula ni direk Sigrid na isang suspense-drama.
Speaking of direk Sigrid, kasalukuyan itong nasa Korea para dumalo sa 2018 Busan International Film Festival kung saan inimbita siya bilang isa sa speaker para sa Platform Busan.
Ang Platform Busan ay isang networking platform kung saan ang mga independent filmmakers sa Asia ay nakahanap ng oportunidad at partnership para sa isang proyekto.
Ang first out of the country shoot ni direk Sigrid ay ang blockbuster indie movie na “Kita Kita” na kinunan sa Hokkaido, Japan at ipinalabas naman sa Pilipinas noong Hulyo, 2017.
MOST READ
LATEST STORIES