Clash champion Golden Cañedo talunan sa Tawag ng Tanghalan; binansagang ‘Sarah G’ ng GMA 7

GOLDEN CAÑEDO

HINDI man pinalad si Golden Cañedo sa pagsali niya noon sa “Tawag Ng Tanghalan” (sa Showtime) sa ABS-CBN siya naman ang tinanghal na Ultimate champion sa katatapos lang na Kapuso singing search na The Clash.

Hindi naging hadlang ang pagkabigo niya sa “TNT” para ipagpatuloy ang pagtupad sa kanyang pangarap na maging isang singer. At ngayon nga, pagkatapos manalo sa The Clash, bibida na agad siya sa bagong musical variety show ng GMA, ang STUDIO 7. Makakasama rin niya rito ang apat pang grand finalists ng The Clash.

Nakachikahan namin si Golden kamakailan at tinanong namin siya kung ano ang reaksyon niya sa mga komento na siya na raw ang Sarah Geronimo ng GMA 7 dahil napakalaki ng pagkakahawig nila ng Pop Princess, pati na sa boses.

Tugon ni Golden, “Sobrang happy po ako dahil parang pinahawig po ako sa idolo ko po na si Sarah G na sobrang galing po at saka sobrang sikat, kaya po nagpapasalamat din po ako na nakikita nila si Ms. Sarah sa akin.”

Nape-pressure ba siya kapag ikinukumpara siya kay Sarah? “Hindi naman po kasi, di ba po, mas magaling po siya, alam po natin. Mas natsa-challenge po ako na mas pagbutihin po kasi nakikita po nila ako na Sarah G.”

Inamin naman ng dalaga na kung minsan ay nawawala rin ang kanyang self-confidence kapag nagpe-perform, “Yung totoo, negative po talaga akong bata. Wala talaga akong ka-confi-confidence sa sarili ko.

‘Yun pong parang tinitingnan ko lang po ‘yung pamilya ko kung push lang sila nang push sa akin.

Ginagawa ko po ito para sa pamilya ko, hindi lang para sa akin.”

Siguradong mas maipakikita pa ni Golden ang kanyang galing sa pagkanta sa pamamagitan ng STUDIO 7 na magsisimula na sa Oct. 14, Sunday. Makakasama niya rito ang mga pambatong singer and performers ng GMA 7.

“Happy na happy po ako kasi bihira lang po ‘yung makakasabayan ko ‘yung mga sikat na artista. Sobrang blessed talaga ngayong year na ito na nanalo po ako sa The Clash tapos may STUDIO 7 pa po,” ani Golden.

“Gusto ko rin pong ma-try lahat ng genre. Gusto ko po, hindi lang sa OPM, sa ballad, hindi lang po ganu’n. Gusto ko po ma-try lahat,” aniya pa. Pinagsasabay ngayon ni Golden ang kanyang pag-aaral at showbiz career.

Samantala, bukod kay Golden at sa apat na The Clash grand finalists na sina Jong Madaliday, Garrett Bolden, Josh Adornado at Mirriam Manalo, makakasama rin sa STUDIO 7 sina Christian Bautista, Julie Anne San Jose, Mark Bautista, Gabbi Garcia, Rayver Cruz, Kyline Alcantara, Migo Adecer, Mikee Quintos, Kate Valdez at ang kambal na sina Mavy at Cassy Legaspi with Donita Nose and Tekla.
Magsisimula ang STUDIO 7 sa Oct. 14, 7:40 p.m. sa GMA Sunday Grande.

Read more...