NAKU, ilang tulog at gising na lang at Pasko na, naghahanda na ang marami nating kababayan sa mga gagawin nilang raket na pagkakakitaan sa kapaskuhan.
Siyempre, kasali sa listahan ng karaketan ang pagka-caroling, kani-kanyang grupo na ang binubuo ngayon, mas maraming kumakanta ay mas malaki ang bigayan, ganu’n kuno ang kalakaran.
May naalalang bigla ang aming source, “Naku, napakaaga na namang magpapatay ng ilaw sa housing authority nila ang isang male personality na nang magsabog ang langit ng kakuriputan, e, namakyaw nang wagas na wagas!
“Ganu’n siya kapag Pasko na. Para hindi sila tapatan ng mga nagka-caroling, maaga pa lang, e, madilim na sa kabahayan nila! Talagang inuutusan niya ang mga maid of cotton nila na magpatay na ng ilaw para maligtas sila sa kakakanta sa tapat ng house nila!
“Para silang pinutulan ng ilaw, parang sa kalyeng ‘yun, e, sila lang ang bahay na palaging madilim, nakakaloka siya!” tawa nang tawang kuwento ng aming source.
Sobrang sarado nga ang mga kamao ng guwapo at pamosong lalaking personalidad na ito, wala siyang pakialam sa sasabihin ng kanilang mga kapitbahay, ang importante sa kanya ay ang makaligtas sa pagkakagastusan.
“Kunsabagay, ‘yun nga lang ang bahay na hindi tinatapatan ng mga bata sa lugar nila, e! Usung-uso ang caroling sa community kung saan sila nakatira, pero bukod-tanging ang bahay ng male personality ang hindi kinakantahan ng mga bata!
“Kinatatakutan na parang haunted house ng mga bata ang house ng male personality, mahirap na nga naman, baka ang mag-abot sa kanila ng barya-baryang kapalit ng pagkanta nila, e, momo!
“Baka multo ang magbigay sa kanila dahil sa sobrang dilim ng house! Ayun, talagang kilalang-kilala si ____ (pangalan ng guwapo at kilalang male personality) sa sobrang kakuriputan niya!” humahalakhak na kuwento pa ng aming impormante.
At Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, masisisi ba niya kung nu’ng minsan ay may nambato sa kanyang bahay?
“Sino ang pagbibintangan niyang nambato, e, ang dami-daming naiinis sa kanya? Magkuripot ba kahit sa mga batang nagka-caroling lang naman kapag dumarating ang Pasko?” pagtatapos na chika ng aming source.