MAGANDANG araw po Ateng Beth.
Matagal na po akong nag-iisip na sumulat sa inyo pero ngayon lang ako nagkalakas ng loob.
Isyu po namin ng tatay ko ang idudulog ko. Matagal na pong umalis sa amin ang papa ko. Nasa high school kami nang iwan niya kami at ngayon po ako ay may asawa at dalawang anak na.
Matagal na kaming walang komunikasyon hanggang noon pong isang buwan ay may dumating sa bahay namin at nakausap ang misis ko.
Dumating sa amin si tatay, Hindi kami nag-abot, pero nag-iwan siya ng numero kung saan ko siya pwedeng tawagan. Kwento niya sa misis ko, matagal na raw niya kaming hinahanap at gusto raw niyang humingi ng sorry.
Ang masakit, sabi niya malapit na raw siyang mamatay. I guessed, may malala siyang sakit.
Nag-iisip po ako kung tatawagan ko siya, hindi ko pa mahanap sa puso’t isip ko kung papatawarin ko siya.
Namatay ang nanay namin sa sama ng loob dahil sa kanya, naghirap kaming magkakapatid dahil sa kanya.
Hindi ko alam ang gagawin ko, nakokonsensiya naman ako baka mamatay siya na hindi ko siya napapatawad.
Tulungan mo po ako ateng.
Redentor, Maynila
Hello, Redentor.
Unfortunately, ganyan ang mga istorya ng mga tatay o magulang na nang abandona ng pamilya o mga anak.
Nagpasarap para sa sarili habang nakanganga ang naiwang pamilya. Tapos pag malapit nang harapin si kamatayan nakakaisip umuwi para alagaan, patawarin at bigyan ng disenteng libing ng mga naiwang kamag-anak.
Pero ano nga ba ang magagawa natin? Hindi naman tayo ang klase ng mga tao na umaabandonang sadya sa mga may edad nating magulang.
Hindi naman natin ugaling hayaang mamatay na lang sila gaano man karami o kasakit ang maling nagawa nila sa atin.
Sa huli, kukupkupin din natin sila, patatawarin at bibigyan ng maalwang mga huling araw. Kasi ganun tayo bilang mga Pilipino. Ganun tayo bilang kamag-anak. Ganun ka, Redentor, di ba?
Hindi mo man mahanap sa puso mo ngayon ang pagpapatawad, alam mong iyon ang gusto mong gawin.
Alang-alang sa halimbawang itinuturo mo sa iyong mga anak, sa ipinapakita mo sa asawa mo, minsan ang paggawa ng tama ay hindi dahil dikta ng puso, kundi dahil iyon ang nararapat at matuwid na gawin.
Totoo, masakit isipin na naghirap kayo. Pumanaw ang nanay mo na maaaring masama pa rin ang loob sa tatay mo, pero nabuhay naman kayong mag-iina di ba? Kahit papano, nakaraos. Naghirap, oo, pero nakaraos. At malay naman natin na sa mga huling sandali ni nanay, sa isip nya, sa puso nya, baka naman napatawad niya ang asawa nya, hindi niya na lang sinabi o nasabi sa inyo.
Totoo, nakakakunsensya na baka mamatay si tatay nang hindi natin napapatawad. So siguro kahit pilit, kahit di mo pa feel, patawarin mo na sya. Alang alang sa ayaw mong manghinayang sa mga dapat mong magawa bago siya mawala. Mas maiging maalala ang masasayang sandali kesa manghinayang sa oportunidad na nawala at di na maibabalik.
Gumawa ka pa rin ng mabuti para ka tatay. Kahit man lang yun na ang bayad mo sa pagiging anak mo. Kahit man lang yun na ang puhunan mo para makita ng mga anak mo na anuman o gaano man ang kasalanan ng magulang, dapat pa ring igalang.
Sa Biblia yun lang ang utos na may pangako – “Igalang mo ang mga magulang mo, upang ang lahat ay maging maayos sa iyo. (Efeso 6)”