MATAPOS matanggap ng Bantay OCW ang e-mail ng OFW mula Saudi Arabia na may inisyal na S.A.B. hinggil sa mga video na umano’y natatanggap niya kung saan nakikitang may kasamang lalaki ang asawa nito.
Nag-imbestiga din si SAB at kumpirmado ngang nagloloko si misis. Sumbong niya sa Bantay OCW, gayong hindi pa alam ng kaniyang maybahay na alam na niya ang lahat na pinaggagagawa nito, hindi pa rin niya kinumpronta ang asawa. Sabi pa niya, handa na siyang makipaghiwalay rito.
Pero may personal siyang pakiusap sa akin kung maaari ko sanang kausapin ang kanyang asawa at alamin ang naging dahilan kung bakit siya niloko nito. Sabi ni SAB, sa loob ng 10 taon na pag-aabroad niya, nanatili siyang tapat kay misis.
Pumayag ako sa pakiusap niya at nakipagkita nga sa kaniyang asawa. Sa unang edisyon ng Bantay OCW na may titulong “Tapat si mister, taksil si misis”, inilahad natin ang laman ng e-mail ni SAB hinggil sa pagloloko ng kanyang asawa.
Naniniwala naman ang Bantay OCW na palaging may dalawang panig ang bawat kuwento kung kaya’t pinagbigyan ko ang pakiusap ni SAB kahit sabihin pang personalan na nga ito.
Pero nagulat ako dahil nang tinawagan ko si misis kung puwede ko ba siyang makausap at ibinigay ng asawa niya ang numero nito, agad naman siyang pumayag.
Pakiramdam ko hindi man lang siya nabigla kung bakit may taong estranghero na tumatawag sa kaniya base na rin sa pakiusap ng OFW.
Sabi pa ni misis, “mabuti nga po at tinawagan ninyo ako, gusto ko rin po talagang isumbong ang lahat ng ginagawa ng asawa ko”.
Wala na pala silang malalapit na mga kaanak. Parehong patay na ang kanilang mga magulang at pareho ring solong mga anak.
Natuwa naman ako na handa niya akong harapin. At dumating nga ang oras ng aming pagtatagpo. Maganda at ismarte si misis. Tapos siya ng kolehiyo pero napagkasunduan daw nilang mag-asawa na mag-full time housewife na lamang siya para personal na matutukan ang pangangalaga sa kanilang mga anak. Dalawang nasa high school at dalawang nasa college.
Si misis na ang nagsimula ng usapan. Naghihintay lang sana ako ng tamang tiyempo.
Sinabi niyang “alam ko na po ang mga sinabi ng mister ko sa inyo, na niloloko ko siya, samantalang naging tapat siya sa akin sa buong panahon ng kaniyang pag-aabroad”.
Sinabi pa niyang “marami ang nakakakita sa akin na may kasama akong lalaki at may mga video pa na
ipinadadala sa OFW.
Sabi ni misis, hindi raw niya itatanggi iyon. Talagang may boyfriend, anya siya. Laking gulat ko na naman sa kaniyang pag-amin. Sabay sabi niyang, bilang isang babae, may mga pangangailangan din naman daw siya at hindi iyon maibigay ng kaniyang mister.
At ang hindi rin niya matanggap, ka-bromance nito ang kanyang bestfriend na sinasabing ka-roommate niya sa Saudi. Bading daw ang mister niya at hindi niya iyon kayang aminin sa kanilang mga anak.
Tulad ng OFW, nais na rin niyang makipaghiwalay kay mister pero pakiusap niya na huwag ihinto ang suporta sa kanilang mag-iina hanggang makatapos ang kanilang mga anak sa kanilang pag-aaral.
Kaya naman pala! Ngayong alam ko na ang dalawang panig, wala ako sa posisyon para humatol, pero kumpleto na ang kuwento ko!
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/[email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.