BAKIT hindi ako iniluwal na agas, gaya ng ibang di nasilayan ang liwanag? Doo’y walang nanliligalig na tampalasan, doon namamahinga ang nanlulupay. Iyan ang Pinagnilayan sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (Job 3:1-3, 11-17, 20-23; Sal 88:10-15; Mt 18:1-5, 10) sa Paggunita sa Mga Banal ng Anghel na Tagatanod.
Sa sumpa sa araw ng kapanganakan, inuulit ang mga salitang naibulalas ni Jeremias dahil sa kawalan ng pag-asa. Hindi nag-iisa si Jeremias dahil ganito rin ang bulalas ng mga kaibigan ng Diyos. Ang mga nanlupaypay ay nag-isip noon ng pagpapakamatay. Ganito rin ngayon, nagpapakamatay, dahil ang nabibiling pagkain ay halos kasya na lang sa tatlong supot ng ice candy. Kailangang maglaan ng pera sa upa, kuryente, tubig, pasahe at konting load.
Hindi magpapakamatay ang tunay na mga layko ng simbahang Katolika pero nais naming batukan si Padre Secillano dahil sa inis sa pagkatig niya sa bagong salin na Biblia (mabuti na lang at inalis sa titulo ang Holy Bible at Biblia na lang ang inilimbag ng Philippine Bugok, este Bible, Society). Ang bagong salin ay halaw sa lingua franca.
Bakit hindi nila ginawa ito noong ang lingua franca ay dehins goli, naspu lang at ang karatula ng mga jeepney sa Bulacan ay Wecabu, Tagbalas, Raomali at Losmalos (Bocaue, Balagtas, Marilao at Malolos)? Naspu lang ng bebot ang paa ni Jesus (o foot spa ngayon)?
Ayon sa texter mula sa Lilod Madaya, Marawi City, di mapipigilan ang ilan sa isang killer group na patayin si Trillanes dahil binastos niya ang tatay ni Digong, na matagal nang namayapa (ang utang na loob ay pinahahalagahan ng Bisaya). Inakusahan ni Trillanes ang tatay ni Digong na hinimas ang bagsak na grado ni pangulo sa bar exams para gawing pasang-awa. Pero, namatay ang tatay bago pa man mag-bar si Digong. Lagot ka, Trillanes! Kung magaling kang magtago…
Bakit meron pang HS textbooks sa North Caloocan na abot langit ang papuri kina Ninoy at Cory? Hindi tanga ang mga estudyante sa NC. Ang menor de edad na nagpapa-book sa mga resto bar “after midnight” ay NC rin ang presyo. Ninoy at Cory. Salat lang yan. Kung takeout, “3 Tito, Vic & Joey.” Isang mall sa North Fairview ang pick-up point pagsapit ng 11 p.m. Umupo sa gilid, iladlad ang susi ng kotse at paikutin. Lalapit ang bugaw. Hanapbuhay yan. Marumi? Marangal para sa kanila.
Kumober ako ng Dec. ’89 coup, bagaman editor na ako ng huling tabloid na itinatag ni Chino Roces. Nakubkob ng batang rebeldeng sundalo ang gates ng PA at Marines sa FB (Fort Bonifacio). Inutusan siya na isakay sa Land Cruisers ang senior officers na aalis para dalhin sa detention. Sa Mamasapano, di rin niya sinaklolohan ang SAF 44. Ngayon, opisyal na siya ng AFP. Naniniwala ako sa Red October.
Isang nakamotor na obrero sa Bagong Silang, NC ang bumibiyahe sa Pacita Complex, San Pedro, Laguna araw-araw. 130 kms balikan. Dalawang salin sa tangke, P300, dahil 125cc ang kanyang motor. P500 ang kanyang arawan. P120 ang kanyang lafang. Baka hindi na abutin ng Pasko ang kanyang pamilya, na ang isang anak ay nasa Tala hospital. Walang dilawan na tumutulong sa kanya.
UST (Usaping Senior at Talakayan sa San Vicente, Malolos City, Bulacan): Ang reklamo ng senior citizens dito ay madalas silang di nauunawaan ng kabataan at mid-age. Mahirap namang unawain ng senior ang kabataan. Napakalaki ng agwat ng edad at labis na makabago ang teknolohiya ng kabataan. Ang di pag-unawa ay nauuwi sa di paggalang sa matatanda. Na di tangi ng kaugaliang Bulakenyo.
PAGBABAHAGI sa Nilayan (Nilay-ugnayan sa Santo Nino, Hagonoy, Bulacan): Di maiiwasang masaktan sa kilos at salita ng iba. O, ang nasaktan pa raw ang nakakasakit ang salita’t kilos. Pero, ito’y kalakaran sa kapitbahayang tambay at tsismis ang libangan, pampalipas oras. Ang tambay at tsismis ay tinawag sa batas at ordinansa na unproductive at criminal. Pero ito’y bahagi ng “human behavior” dito.
PANALANGIN: Makarating na sana sa Iyo ang dalangin ko; makinig Ka sa aking idinadaing. Sal 88:3
MULA sa bayan (0916-5401958): Habal driver ako 6 anak. Digong, ginto na ang presyo ng gaso rito. …8965, Cayantor, Kauswagan, Lanao del Norte
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.