NAGPAKITA ng katatagan ang University of Perpetual Help Altas sa overtime para maungusan ang San Sebastian College Stags, 85-77, at mapanatili ang kapit sa ikaapat na puwesto sa NCAA Season 94 men’s basketball tournament Huwebes sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Naghabol sa limang puntos, 69-64, ang Altas may dalawang minuto ang nalalabi sa ikaapat na yugto nang magsanib puwersa sina Jelo Razon at Edgar Charcos para ihatid ang laro sa overtime.
Sa overtime ay rumagasa ang Perpetual sa itinala ang 9-0 run para itayo ang 81-71 kalamangan sa 1:17 sa orasan.
Bunga ng panalo, umangat ang Altas sa 10-5 kartada matapos itala ang ikalimang diretsong panalo.
Nahulog naman ang Golden Stags sa 4-11 record.
Nagpamalas naman si Eze ng matinding paglalaro para sa Altas sa ginawang 25 puntos at 23 rebounds na sinamahan niya ng apat na shotblock.
Nagtapos si Charcos na may 12 puntos, anim na rebound at pitong assist para sa Perpetual.
Nagdagdag naman si Jeffrey Coronel ng 15 puntos, anim na rebound at limang assist habang si Razon ay nag-ambag ng 13 puntos at siyam na rebound para sa Altas.
Pinangunahan ni Alvin Capobres ang San Sebastian sa ginawang 18 puntos habang si Michael Calisaan ay nagtala ng 16 puntos at 11 rebound.