Beauty muntik nang lumipat sa GMA 7: Nangapit-bahay lang, tumikim ng ulam

DIMPLES ROMANA, ALBERT MARTINEZ, BEAUTY GONZALES AT ADRIAN ALANDY

GRABE ang kapayatan ngayon ng Kapamilya actress na si Beauty Gonzalez – as in para na siyang si Kim Chiu.
Nakachikahan namin at ng iba pang members ng entertainment media si Beauty sa presscon ng bagong afternoon series ng ABS-CBN, ang Kadenang Ginto kung saan makikipagtagisan naman siya ng aktingan kina Dimples Romana, Albert Martinez at Adrian Alandy.

Ayon kay Beauty, talagang nagpapayat siya para sa bago niyang serye, kinarir daw niya ang pagbabawas ng timbang sa pamamagitan ng one-meal a day diet at regular exercise, “Para hot mama pa rin, di ba? Tsaka mas marami kang pwedeng tanggaping projects kapag payat ka, and for health reasons na rin kasi mommy na tayo, then wife pa kaya dapat laging healthy.”

Natanong si Beauty sa presscon ng Kadenang Ginto kung ano ang tunay na nangyari sa balitang lilipat na sana siya sa GMA pero hindi ito natuloy, “Well, I was just being a good neighbor, that’s it. Yes, nangangapit bahay lang. Ano ulam diyan? Patikim naman ng ulam diyan. Ganu’n lang. Then balik uli ako sa bahay ko, tulog na muna ako.”

Super happy daw siya dahil isang bonggang project na naman ang ibinigay sa kanya ng ABS, “Siyempre masayang masaya. I’m happy to be here and dito naman ako nagsimula at dito ko rin naman gustong matapos, basta masayang masaya ako na nandito ako.”

Samantala, napanood namin ang ilang matitinding eksena nina Beauty at Dimples sa Kadenang Ginto kung saan sunud-sunod ang kanilang sampalan at sabunutan. Ayon kay Beauty, first time niyang makatrabaho si Dimples, pati na rin sina Albert at Adrian.

“Ang gagaling nilang lahat, so it makes the job easier, mas madali ‘yung trabaho, mas mabilis matapos, mas mararamdaman mo kasi ‘yung character mo kapag ‘yung co-actor mo rin magaling. It takes a team and naniniwala ako kung magtutulungan tayong lahat mas gaganda ‘yung show,” chika ng aktres.

Hangga’t maaari rin daw ay hindi nila dadayain ni Dimples ang kanilang mga sampalan scene, “Totohanan but I don’t mind. Gusto ko ‘yung totohanan kasi ‘pag hindi, I mean hirap mong daya- dayain at hindi pa naman ako marunong magsinungaling so malalaman niyo kung totoo o hindi. So okay na ‘yung totoo para in character na agad.”

Iikot ang kuwento ng Kadenang Ginto sa isang pamilyang pinakinang ng pag-ibig ngunit binalot ng kasakiman.

Kilalanin si Romina (Beauty), ang babaeng maaasahan lalo na ng kanyang pamilya dahil sa kanyang kasipagan. Puno rin siya ng ligaya dahil kay Carlos (Adrian), ang kanyang butihing nobyo. Masaya silang mag-iibigan at bubuo ng pangarap, hanggang sa magpasya silang magpakasal.

Ngunit bago maganap ang pinakahihintay nilang araw, isang krimen ang sisira sa buhay ni Romina – gagahasain siya. Dahil hindi naniniwalang ginahasa siya, makikipaghiwalay sa kanya si Carlos na hahantong naman sa matinding pagluluksa ng dalaga. Lalo pang gugulo ang sitwasyon dahil magbubunga ang nangyaring krimen kay Romina at magdudulot ng matinding panghuhusga.

Sa gitna ng unos, masasandalan niya si Robert (Albert), ang may-ari ng pinagtatrabahuhan niyang kumpanya. Mauuwi sa isang relasyon ang kanilang pagsasama, nguit hahadlangan ito ng anak ni Robert na si Daniela (Dimples), ang anak ni Robert. Dahil mababa ang tingin sa dalaga, ipapamukha ni Daniela na pera lang ang habol ni Romina sa pamilya at gagawin ang lahay upang mailayo ito mula sa ama.

Upang pahirapan at galitin ang kaaway, aakitin ni Daniela si Carlos – isang relasyong uuwi sa kasalan at magbubunga ng anak nilang si Margaret.

Makakasama rin sa Kadenang Ginto sina Eula Valdez, Ronnie Lazaro, Luke Conde, Nikko Natividad, Adrian Lindayag, Kat Galang, Savannah Rosales, Andrea Brillantes at Francine Diaz, sa direksyon ni Jerry Lopez Sineneng.

Magsisimula na ang Kadenang Ginto ngayong Lunes (Okt. 8) sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN, kapalit ng Asintado.

Read more...