Dimples ayaw makipaghalikan sa teleserye, pelikula: Hindi ko kaya!

DIMPLES ROMANA

MABENTANG-MABENTA talaga ngayon si Dimples Romana dahil wala pang dalawang buwang natatapos ang epic seryeng Bagani ay heto’t may kasunod na agad siyang teleserye, ang Kadenang Ginto.

Isa na naman itong heavy drama ito dahil base sa ipinakitang trailer ay wala silang ginawa ni Beauty Gonzales kundi mag-away with matching sampalan at sabunutan pa.

“Oo nga po, eh. Blessed talaga. I remember pagka-airing ng last day ng Bagani (Biyernes), Saturday po, tumawag na ang Dreamscape para sa role na ito,” saad ni Dimples.

Peg nga raw ng aktres si Albert Martinez na kaliwa’t kanan ang serye at halos nagkakasabay pa ang airing, “Oo nga po, eh, sabi ko kay tito Albert, in all the shows, you’re there. You’re so good kasi. He’s so good! Sabi ko nga, ‘tito Albert, peg kita.’”

Kung mabait si Dimples sa ibang karakter niya (maliban sa The Greatest Love) ay kakaiba naman daw ang mapapanood ng mga tao sa Kadenang Ginto dahil hindi raw siya maldita rito kundi impakta.

“It’s a very classic role on a teleserye. We wanna make it classic but impactful kind of role. Impactful kasi impakta ako. ha-Hahaha! Every time I read nga the script I always ask how they come out with the lines kasi ang galing ng mga linya, kaya nakakagigil bitiwan. Ang pinaka-goal ko as my character is ‘yung manggigil sa ‘yo ang manonood,” kuwento ng aktres.

Paano nahihiwalay ni Dimples ang karakter niyang maldita at impakta sa tunay niyang pagkatao dahil hindi naman siya ganu’n sa totoong buhay, “I guess parang I’ve come to accept very long time ago kasi 21 years na. And I really embraced may character kasi kahit hindi ako sila, siyempre bilang artista ang gagawin mo lang ay hindi katulad lang ng sarili mo kasi, you don’t grow.

“So ako po, I just treat myself as a student of this industry na everytime na parang kinakabahan ako, ibig sabihin maganda ‘yun, ibig sabihin I have to do about something. Tuluy-tuloy na pag-aaral talaga,” ani Dimples.

Sa tanong namin kung ano ang most memorable niyang role, “Well as for my Dreamscape family, yung Agua Bendita, ‘yung epileptic po ako, from mabait to kontrabida naman ako kay Andi (Eigenmann), ‘yung Mara Clara, Ikaw Ay Pag-Ibig.

“That’s why when Dreamscape also called for Daniella, my character in Kadenang Ginto, I know for a fact that its’ will going to be a great for me as an actor and also for my portfolio. Di ba kasi pag artist aka you wanna have a good portfolio,” aniya pa.

Inamin ni Dimples na 12 years old pa lang siya ay maldita na ang karakter niya sa Esperanza (1997) na unang teleserye niya at si direk Jerry Sineneng din ang kanilang direktor.

Hindi naman daw nalilito si Dimples sa mga nagampanan na niyang karakter dahil sanay na siya, at madali na rin siyang mag-let go sa mga karakter na ginagampanan niya, “Noong simula, medyo nahirapan, pero ngayon okay na,” saad ng aktres.

Sa estado ngayon ni Dimples ay namimili na ba siya ng projects? “Well, ano bang mga pinipilian ko, I guess iniiwasan ko ‘yung mga kissing scenes. Kung gagawin man namin ‘yun, nakadaya. Hindi ko kasi kaya as a person, parang natatawa ako pag gagawin ko. Weakness ko iyon actually at saka ‘yung pagtawa ng kontrabida. Hindi ko kaya ‘yun.

“Maski nu’ng wala pa akong asawa piling-pili talaga, naiilang po kasi ako. Hindi ako marunong sa intimate scenes, takot ako kasi natatawa ako. It’s nothing personal to my co-actors, it’s really just me. I guess iyon ang kulang sa akin, hindi ako ganu’n ka-secure pagdating sa intimate scenes, nabubungisngis ako,” natatawang kuwento ni Dimples.

Kaya pala puro comedy at drama ang laging papel ng aktres, “Opo, minsan nga may nag-offer ng kissing scene, sabi ko, ‘gusto n’yo po mag-iyakan na lang tayo?’” tumawang sabi ng premyadong aktres.

Mukhang nag-iisa lang sa lahat ng artista si Dimples na puwedeng lumusot na walang kissing scene maski smack lang dahil halos lahat ay nire-require ito maliban sa mga menor de edad.

Mapapanood na ang Kadenang Ginto sa Kapamilya Gold simula sa Okt. 8, Lunes mula sa Dreamscape Entertainment.

Makakasama rin sa serye sina Albert Martinez, Francine Diaz, Andrea Brillantes, Adrian Alandy, Luke Conde, Nikko Natividad, Adrian Lindayag, Kat Galang, Savannah Rosales, Eula Valdes at Beauty Gonzales.

Read more...