INIREKLAMO si ACTS-OFW Rep. John Bertiz ng Migrante International sa House committee on ethics kaninang umaga.
Kasabay nito, sinabi ni Migrante spokesperson Arman Hernando sa isang pahayag na mayroong petisyon upang alisin si Bertiz dahil hindi umano siya isang OFW kundi isang recruiter kaya malinaw na umano na mayroong ‘conflict of interest’.
“Dahil dito, walang moral na otoridad si Rep. Bertiz na maging kinatawan namin sa Kongreso. Wala na ring dahilan para siya ay manatili pa sa kanyang katungkulan sa Kongreso,” saad ng petisyon.
Humarap sa media si Shiela Mabunga na nag-aplay na cook sa Dubai noong 2013. Pumasok siya sa Keys Placement, isa umanong recruitment agency ng asawa ni Bertiz.
Habang inaasikaso ang kanyang mga dokumento ay inilipat umano ito sa Global Asia Alliance Consultants Inc., na pagmamay-ari ni Bertiz.
Pagdating umano sa Dubai noong 2014 ay sa ibang employer siya napunta. Minaltrato umano siya na nagresulta sa pagkaparalisa ng kalahati ng kanyang katawan.
Humingi ng tulong ang kanyang pamilya sa agency subalit wala umano itong ginawa kaya lumapit na ang kanyang tatay sa POEA noong Pebrero 2015.
Makalipas ang apat na buwan ay nakausap ni Mabunga si Bertiz subalit sa halip na iuwi ay kinausap siya nito na bumalik sa trabaho hanggang sa matapos ang Ramadan.
Pinangakuan umano ni Bertiz si Mabunga pag-aaralin hanggang makatapos ng kolehiyo kapalit ng hindi paghahain ng reklamo sa GAACI at kanyang employer.
Noong 2015 ay nakasama si Mabunga sa mga na-repatriate. Hindi umano tinupad ni Bertiz ang mga pangako nito kaya naghain siya ng kaso noong 2016.
“Hanggang ngayon ay mailap pa rin sa akin ang hustisya,” ani Mabunga.