PATULOY pa ring pinag-uusapan ang suot ng mga artistang dumalo sa nakaraang 2018 ABS-CBN Ball.
Isa sa pinuna ng nakararami ay ang suot na cocktail dress ni Julia Barretto na gawa ng Fil-Am designer na si Mark Bumgarner dahil hindi raw akma sa okasyon.
“Above the knee na nga ang suot, halos kita na ang lahat, okay lang ‘yung ganu’n cut kung naging gown. Gusto niyang (Julia) maiba, e, anong itsura niya?” puna ng kilalang entertainment editor.
Tiningnan namin ang gown collections ni Mark at magaganda naman lahat, siguro nagtataka ang karamihan kung bakit mas pinili ng girlfriend ni Joshua Garcia ang maiksing damit.
E, kanya-kanyang paniniwala lang ‘yan siguro naisip ng aktres na mas bagay at kumportable siya sa ganu’ng kasuotan, kaya sino tayo para manghusga.
Tila hindi naman apektado si Julia sa mga pagpuna sa kanya o baka naman hindi pa niya nabasa lahat ng reaksyon at kung nabasa man ay dedma lang siya. Ganu’n din ang boyfriend niyang si Joshua na wala ring pakialam dahil ang importante sa kanila ay masaya sila sa event.
Speaking of Ngayon At Kailanman ay patuloy na nangunguna ito sa ratings game sa timeslot nito dahil umiinit na ang kuwento dahil maraming lihim na ang nabubunyag sa loob ng anim na linggong pag-ere nito.
Nabuking na ni Christian Vasquez (Hernan) na nag-iimbestiga pala talaga si Iza Calzado (Rebecca) kung sino ang pumatay sa boyfriend niyang si TJ Trinidad (Rodrigo) at kung sino ang bumaril sa kanilang mag-ina noong dumalaw siya sa burol nito at hindi pinapasok sa loob ng mansyon.
Kaya lalong kinabahan si Hernan dahil hindi niya alam kung paano sasabihin na may kinalaman siya sa pagkamatay ng stepbrother.
Si Alice Dixson (Stella) naman ay nagpupuyos pa rin sa galit dahil hindi niya matanggap na mas pinagkakatiwalaan ng nanay ni Hernan na si Rosemarie Gil (Donya Carmen) si Joshua (Inno) na anak sa labas ng anak niya kaysa sa anak niyang si Jameson Blake (Oliver).
Si Inno naman ay stress na dahil hindi pa rin niya napapapayag si Julia (Eva) na magtrabaho sa Cortes Jewelry. Ginawa na lahat ni Inno para mapasagot si Eva, nag-offer na ng tulong ang binata na tuturuan ang mga kaibigan niya kung paano gumawa ng alahas, pero tigas pa rin ng tanggi ng dalaga kasama na rin ang mga kaibigan.
Hindi nagpatalo si Inno dahil nagtayo siya ng tent malapit sa bahay nina Eva. Pangako kasi ng binata na gagawin niya ang lahat at hindi siya susuko hangga’t hindi niya napapasagot.