GINULAT ni Woman Fide Master Shania Mae Mendoza (Elo 2113) si Fide Master Marta Garcia Martin (Elo 2329) habang nagpatuloy naman ang magandang paglalaro ni Woman International Master Marie Bernadette Galas (Elo 2080) matapos daigin si Woman Grandmaster Monica Calzetta Ruiz (Elo 2235) para ihatid ang Philippine women’s team sa isang upset win kontra 15th seed Spain, 3-1, tungo sa pagpasok sa Top 20 matapos ang ikaanim na round ng 43rd World Chess Olympiad na ginaganap sa Sports Place sa Batumi, Georgia Linggo ng gabi.
Matagumpay na depensa ang isinagawa ni Mendoza buong laro para talunin si Garcia Martin sa kanilang rook and pawn endgame tungo sa panalo sa 85 moves ng Slav Defense sa board two.
Si Mendoza ang leading scorer ng 43rd seed PH women’s team na may 4.5 puntos mula sa apat na panalo, isang tabla at isang talo sa anim na laro.
Ipinagpatuloy naman ni Galas ang kanyang impresibong paglalaro para padapain si Calzetta Ruiz sa 56 moves ng Trompovsky Opening sa board four.
Nakipaghatian naman ng puntos si WGM Janelle Mae Frayna (Elo 2287) kontra kay IM Sabrina Vega Gutierrez (Elo 2404) sa 43 moves ng King’s Indian Defense sa board one habang tabla rin ang resulta ng laban ni WIM Marie Antoinette San Diego (Elo 2102) matapos makipaghatian ng puntos kay IM Ana Matnadze (Elo 2362) sa 73 moves ng Double Fianchetto Opening sa board three.
Ang mga Pinay chessers ay may nalikom na siyam na puntos at napag-iwanan ng dalawang puntos sa likod ng USA, host Georgia team 1 at Armenia sa 151 bansa na 11-round Swiss-system format match point style scoring system team tournament.
Mayroon din siyam na puntos ang Georgia 2, Kazakhstan, Peru, Lithuania, Serbia, Hungary at Argentina.
Ang PH women’s squad, na ang team captain ay si Grandmaster Jayson Gonzales, ay susunod na makakalaban ang 14th seed Georgia 2 sa ikapitong round.
Ang Georgia 2 ay galing sa pagkatalo sa kanilang sister team Georgia 1, 1.5-2.5.
Ang pinakamagandang pagtatapos ng PH women’s team ay ang 1988 Thessaloniki, Greece World Chess Olympiad na ika-21st puwesto habang ang PH men’s team naman ay ika-7 puwesto.
Sa men’s play ay nakaresbak ang 54th seed Philippines matapos itala ang 4-0 panalo kontra 151st seed Jersey.
Nagtala ng magkakahiwalay na panalo sina GM Julio Catalino Sadorra (Elo 2553) , GM John Paul Gomez (Elo 2464), IM Jan Emmanuel Garcia (Elo 2439) at IMr Haridas Pascua (Elo 2435) tungo sa ikatlong panalo ng PH men’s squad.
Ginapi ni Sadorra si Candidate Master Krzysztof Belzo (Elo 2057) sa 43 moves of London System Opening, dinurog ni Gomez si CM Paul Wojciechowski (Elo 1904) sa 38 moves ng King’s Indian defense, namayani si Garcia kay John Ponomarenko (Elo 1631) sa 40 moves ng isa pang King’s Indian Defense habang pinasuko naman ni Pascua si David Wilson (Elo 1651) sa 39 moves ng King’s Indian Attack.
Ang PH men’s team, na ang team captain ay si Asia’s first Grandmaster Eugene Torre, ay may natipong anim na puntos mula sa tatlong panalo at tatlong talo.
Tinalo rin nila ang San Marino, 4-0, at Slovakia, 2.5-1.5, subalit yumuko sa Croatia, 1-3, Estonia, 1.5-2.5, at Lebanon, 1.5-2.5, ayon sa pagkakasunod.
Susunod na makakalaban nila ang 60th seed Albania na galing naman sa kabiguan sa 25th seed Greece, 1-3.
Ang fourth-seed Azerbaijan, na ang pambato ay sina GM Shakhriyar Mamedyarov (Elo 2820) at GM Teimour Radjabov (Elo 2751) at Poland, na ginabayan naman nina GM Jan-Krzysztof Duda (Elo 2739) at GM Radoslaw Wojtaszek (Elo 2727) ang nangunguna sa mens’s division na may 12 puntos.
Ang top seed at defending champion USA, na nirerendahan naman nina World Championships challenger GM Fabiano Caruana (Elo 2827) at GM Wesley So (Elo 2776) ay nasa ikatlong puwesto na may 11 puntos.