SA kauna-unahang pagkakataon, tila kinumpirma na ni John Lloyd Cruz ang pagkakaroon nila ng anak ni Ellen Adarna.
Sa kanyang Instagram account, isang handwritten na tula ang ipinost ni Lloydie na inialay niya sa isang taong nagngangalang “Elias”. Ito’y may titulong “Mga Ibon.”
Ilang linggo na ang nakararaan ay balitang nanganak na si Ellen sa first baby nila ni John Lloyd at pinangalanan nga nila itong Elias Modesto.
Narito ang kabuuan ng tulang sinulat ni JLC para sa kanyang baby, “Mangmang pagdating sa’yo
“Sa iisang tunog mong taglay”
“Sa kaaya-ayang sorpresa ng paglapit mo”
“Sa imahe ng kalayaan na tiyak iwinawaksi mo”
“Sa perpektong hubog ng iyong galaw”
“Sa lupa”
“Sa ere”
“Sa tubig”
“Sa’yong talentong alingawngaw ng isang ina.”
“Sa’yong malabalong papel sa ating nakaratay nang sistema”
“Ako’y mangmang pagdating sa ‘yo”
“Ang paulit-ulit mong huni ay kalinga sa aking mapagisang katahimikan.”
Sa huling bahagi ng tula ay nakasulat ang petsang, “Oktubre 1, 2018.”
Hanggang ngayon ay wala pa ring iniisyung official statement sina Ellen at John Lloyd tungkol sa kanilang relasyon, pati na rin ang pagkakaroon nila ng anak. Ilang litrato at video na ang naglabasan kung saan makikitang magkasama ang dalawa na nagpapatunay daw na matagal na silang nagli-live in.