Sa matinding exposure at pagtutok na ibinibigay ngayon ng FPJ’s Ang Probinsyano kay Rowell Santiago na gumaganap na presidente sa matagumpay na serye ay isa lang ang maiisip mo.
Walang karamutan si Coco Martin, naturingang siya ang bumibida sa tinututukang serye ng buong bayan ay hindi niya ipinagkakait ang nararapat na tutok ng mga camera sa kanyang mga kasamahan sa programa, wala sa kanyang bokabularyo ang insecurity.
Ang galing-galing ni Rowell sa kanyang mga eksena, papalakpakan mo talaga ang ipinakikita nitong husay sa pagganap, lalo na sa mga tagpo kung saan nito ipinahukay sa mga miyembro ng Vendetta ang mga bangkay ng kanyang mag-iina.
Kanyang-kanya ang sunud-sunod na eksena, magkakahalo ang kanyang pawis, luha at sipon dahil sa matinding trahedyang naganap sa kanilang pamilya, nagkasya lang si Coco Martin sa ilang tutok ng camera habang pinagmamasdan ang iniligtas nilang presidente.
Kung gaano kabukas ang palad ni Coco sa mga nangangailangan, lalo na sa mga artistang wala nang proyekto na binibigyan niya ng role sa Ang Probinsyano, ay wala rin siyang karamut-ramot sa exposure ng mga artistang kasamahan niya sa serye.
Ano pa nga ba naman ang kailangan niyang patunayan? Nakakatatlong taon na ngayon ang Ang Probinsyano sa kanyang pagbibida, tinatawag na siyang Action Serye King, kaya ano pa ba ang dapat niyang ipagdamot sa exposure ng kanyang mga kasamahan?