Trak natumba: mahigit 20 estudyante sugatan

DI bababa sa 20 estudyante ang nasugatan nang matumba ang sinakyan nilang trak sa bulubunduking bahagi ng Talaingod, Davao del Norte, Biyernes, ayon sa pulisya.

Ang mga sugata’y pawang mga estudyante ng Tanglaw National High School sa bayan ng Braulio E. Dujali, sabi ni Insp. Alejandro Deonaldo, operations officer ng Talaingod Police.

Sinabi sa pulisya ni Carmelo Nunez, driver ng Isuzu Forward truck (LEH-480) ng Tagum Agricultural Development Corp. (Tadeco), na aabot sa 60 estudyante ang sakay niya nang maganap ang insidente.

Nangyari ang insidente sa Lower Misulong, Brgy. Sto. Nino, dakong alas-12 ng tanghali.

Kagagaling lang noon ng mga estudyante sa kanilang outreach program sa Purok Salaran, Sitio Milyong, doon din sa Brgy. Sto Nino, sabi ni Deonaldo sa Bandera.

“Sabi ng driver, pauwi na sila patungong Poblacion proper, at pagdating sa downhill portion, nag-malfunction ang brakes, so nawalan siya ng control, at natumba yung truck,” ani Deonaldo.

May mga kasamang guro sa outreach program, ngunit lulan sila ng ibang sasakyan, aniya.

Dinala ang mga sugatan sa Kapalong District Hospital aat Regional Hospital sa Tagum City, kung saan sinusubukan silang kapanayamin ng mga miyembro ng Talaingod Police.

Isinailalim na sa kostudiya ng pulisya ang 46-anyos na si Nunez, para maimbestigahan, ani Deonaldo. 

Read more...