HINDI naging maganda ang Huwebes para sa Filipino boxers na kumakampanya sa Asian Elite Men’s Championships na ginaganap sa Amman Boxing Arena sa Amman, Jordan.
Dalawang Pinoy — sina Mario Fernandez at Junel Cantancio — ang nabigo at nalaglag na sa torneo.
Sa unang round ng kanilang bantamweight fight ay nakipagsabayan pa sa Kazakhstan national champion na si Kairat Yeraliyev ang tubong Cagayan de Oro na si Fernandez.
Sa ikalawang round ay umpisa nang magpakita ng galing si Yeraliyev na kapapanalo lang ng gintong medalya sa Korotkov Memorial Tournment sa Khabarovsk, Russia.
Sa third round ay sinubukang makabawi ng Pinoy ngunit nanaig pa rin si Yeraliyev sa naturang round sa iskor na 29-28 mula sa scorecard ng tatlong judges.
Ang 27-anyos na si Cantancio ng Philippine Air Force ay hindi rin pinalad nang mapatapat siya kay Ardee Sailom ng Thailand.
Hindi umubra ang bilis at liksi ni Cantancio sa lakas ng mga suntok ni Sailom na hindi natinag sa buong tatlong rounds.
Ang naturang Thai fighter na isang two-time Olympian (Beijing 2008 at London 2012) ay ang paboritong biktima ni Charly Suarez ng Pilipinas. Tinalo si Suarez si Sailom sa finals ng 2009 Laos at 2011 Palembang Southeast Asian Games.
Gayunman, hindi nakasama si Suarez sa torneong ito dahil sa nagpapagaling pa siya sa kanyang torn shoulder ligament injury na kanyang natamo sa World Series of Boxing.
May dalawang Pinoy pa ang nananatiling buhay sa torneo.
Si Asian Games gold medalist Rey Saludar ay lalaban kay Ongjunta Tanes ng Thailand sa Biyernes at si Rogen Ladon ay sasagupa kay Temertas Zhussupov ng Kazakhstan sa Sabado.