INIHAIN ni Senador Manny Pacquiao kamakailan ang Senate Bill 1515 o ang Act Strengthening the Philippine Sports Commission (PSC).
Layunin ng batas na mapadali ang pagkuha sa mga dapat makuha na parte ng ahensiya ng gobyerno sa sports sa iba’t-ibang mga kapwa nito ahensiya na pinagkukunan ng pondo.
Ipinahayag ni Pacquiao sa kanyang pagpapaliwanag na lubhang nahihirapan ang PSC na mabigyan ng nararapat na tulong ang mga pambansang atleta at masuportahan ang mga isinasagawa nitong programa para sa sports dahil na rin sa hindi makuha ang dapat nitong parte partikular sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).
Nakakuha rin ng kakampi si Pacquiao sa isinagawa nitong interpellation mula sa dating Senate President at ngayon ay Minority Leader Sen. Franklin Drilon na muling tinalakay ang kabiguan ng Pagcor na ibigay ang nakasaan sa batas na dapat na ibigay na 5% ng kanilang gross income na awtomatikong ibibigay nito sa PSC.
“Ako ay sumasang-ayon na napakalaking tulong sa lahat ng ating mga atleta ang maibibigay na dagdag na pondo kung sinusunod lamang ng Pagcor ang batas,” sabi ni Pacquiao. “We certainly need additional budget to support our athletes with world-class training programs and state-of-the art facilities. Para sa ating mga atletang Pilipino, kakalampalagin natin ang Pagcor!”
Matatandaang una nang ipinaglaban ni dating Pampanga Representative at kasalukuyang national basketball coach na si Joseller “Yeng” Guiao ang nakasaad sa Republic Act 6847 o sa batas na bumuo sa PSC sa pag-akyat sa isyu sa Supreme Court subalit hanggang sa ngayon ay patuloy na hinihintay ang kasagutan o tuluyang natabunan na lamang.
Una nang kumpletong ibinibigay ng Pagcor ang porsiyento para sa ahensiya bago na lamang nabago sa panahon ni dating pangulong Fidel V. Ramos.