Jennifer Garner balik-aksyon sa Hollywood film na ‘Peppermint’


HINDI dapat maliitin ang kakayahan ng isang babaeng napagkaitan ng katarungan.

Ang action thriller na “Peppermint” na pinagbibidahan ni Jennifer Garner ay tungkol kay Riley North, isang babae na nagkamalay mula sa coma, nalaman niyang hindi nakaligtas ang asawa at 10 taong gulang na anak sa isang drive-by shooting sa karnibal.

Dahil malinaw niyang naaalala ang mga pangyayari, nakipagtulungan siya sa mga pulis upang matukoy ang mga salarin.

Subalit ang mga tiwaling hukom at pulis na bayaran ng makapangyarihang drug cartel ay nagsabwatan para mabalewala ang kanyang testimonya at tuluyang mabasura ang kaso.

Dala ng kanyang matinding poot, sinanay ni Riley ang kanyang isipan at katawan para sa pakikipaglaban. Ilang taon siyang nagtago, at sa kanyang pagbabalik, isa na siyang vigilante.

Hindi siya titigil hangga’t hindi siya nakapaghihiganti sa mga taong nagkait sa kanya ng hustisiya.

Si Pierre Morel, na siyang gumawa ng “Taken” at “The Gunman” ang direktor ng “Peppermint”. Aniya, tinanggap niya ang pelikula dahil nagustuhan niya ang ideya kung paano mababago ng isang trahedya ang pagkatao ng isang ordinaryong tao.

“Trying to figure out how a regular human being reacts when hit with such a dramatic and brutal situation was compelling to me.”

Hindi rin pinalampas ni Jennifer Garner ang proyektong ito kahit na 11 taon na ang nakalilipas nang huli siyang sumabak sa action. Nakilala siya TV series na Alias, at sa mga action-heavy feature films tulad ng “Elektra” at “The Kingdom.”

Para magampanan ang kanyang karakter, mahabang oras sa bawat araw ang ginugol ni Garner para magsanay ng iba’t ibang istilo ng pakikipaglaban gaya ng Krav Maga at boxing, at meron rin siyang weight training.

Tinuruan din siya ng mga miyembro ng Navy SEALs para sa tamang paghawak at paggamit ng iba’t ibang armas.

Ayon kay direk Morel tamang-tama ang timing ng pagdating ng pelikulang ito sa buhay ni Garner na isa na ring ina. Dahil dito makatotohanan ang naging pagganap niya sa kanyang karakter.

“This role feels like it came at the exact right moment in her life, she truly is that kind and committed Mom who lives for her family and has a deep connection to the emotion of the story.

“That connection helps us believe that after such terrible loss someone could snap and come back as somebody else and basically take out everybody involved,” sabi ng direktor.

Inamin ni Garner na napag-usapan nila ni direk Morel kung tama ba ang maghiganti, at nagkasundo sila na ito ay isang komplikado at interesanteng tema na magandang talakayin sa isang action film.

Showing na ngayon sa mga sinehan nationwide ang “Peppermint” mula sa Viva International Pictures at MVP Entertainment.

In fairness, isa kami sa mga Pinoy fans ni Jennifer Garner, nasubaybayan namin noon ang action series niyang Alias kung saan gumanap siyang intelligence secret agent.

At kahit nga 11 taon na ang nakalipas, pinatunayan ng Hollywood actress ang kanyang pagiging tunay na action star sa “Peppermint”.

Hindi kayo magsisisi kapag pinanood n’yo ang movie, lalo na sa mga naka-miss kay Jennifer sa big screen.

Read more...