Trillanes inaresto matapos magpalabas ng warrant of arrest ang korte laban sa kanya

INARESTO ng pulisya si Sen. Antonio Trillanes IV, Martes ng hapon, matapos iutos ng korte ang pagdakip sa kanya, sa kasong rebelyon.

Isinilbi ng team ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Makati City Police ang arrest warrant kay Trillanes sa Senado pasado alas-2, matapos itong ilabas ng Makati City Regional Trial Court Branch 150.

Inilabas ang warrant tatlong linggo matapos isapubliko ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na bawiin ang amnestiyang iginawad ng pamahalaan kay Trillanes kaugnay ng pagkasangkot niya sa Oakwood Mutiny at Manila Peninsula Seige.

Kasama sa mga nagsilbi ng arrest warrant kay Trillanes si NCRPO chief Dir. Guillermo Eleazar.

Matapos iyo’y dinala si Trillanes sa Makati City Police Station para sa booking procedures, gaya ng pagkuha sa kanyang fingerprints at mugshots.

Sinamahan nina Sen. Francis Pangilinan, Sen. Bam Aquino, Sen. Risa Hontiveros, at Atty. Rey Robles si Trillanes sa istasyon ng pulisya.

“Ito po ay isang pagsubok sa ating demokrasya, at it’s unfortunate at natalo. Nanaig ang kadiliman… so tuluy-tuloy lang ang laban natin, hindi po tayo patitinag,” sabi ni Trillanes sa mga reporter sa istasyon.

“‘Yung mga kababayan natin na nakakasaksi nito maliwanag sa kanila na ito ay pangingipit sa mga kalaban sa politika,” aniya pa.

Sa kabila nito, pinuri naman ng senador ang pulisya, na aniya’y magalang at maayos ang pagtrato sa kanya.

Pagkatapos ma-dokumento, nagtungo si Trillanes sa Makati RTC Branch 150 dakong alas-4, sakay pa rin ng police vehicle, para magpiyansa ng P200,000.

Wala pa alas-5 ay nakaalis na sa compound ng Makati City Hall ang convoy ni Trillanes.

Sinabi ni Trillanes na matapos mag-piyansa ay babalik muna siya sa Senado.

Read more...