Mga Laro Ngayon (Sept. 25)
(Filoil Flying V Centre)
2 p.m. Letran vs EAC
4 p.m. Perpetual vs JRU
Team Standings: Lyceum (12-1); San Beda (12-1); Letran (8-4); St. Benilde (8-5); Perpetual (7-5); Arellano (4-8); San Sebastian (4-9); Mapua (4-9); EAC (2-10); JRU (2-11)
ASAM ng Letran Knights palakasin ang kapit sa No. 3 spot habang nais ng University of Perpetual Help Altas ipagpatuloy ang nakuhang momentum sa NCAA Season 94 men’s basketball ngayon sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Nakakapit sa ikatlong puwesto ang Intramuros-based squad na Knights sa natipon nitong 8-4 kartada at haharapin nito sa alas-2 ng hapon ang Emilio Aguinaldo College Generals na maagang nalaglag ngayong season dahil sa dalawang panalo pa lang ang naitala nito sa 12 laro.
Nakabingwit ng malaking isda ang Altas sa kanilang huling laban matapos dungisan ang dating malinis na kartada ng Season 93 finalist Lyceum of the Philippines University Pirates.
Kaya liyamado ang host Perpetual Help (7-5) kontra Jose Rizal University Heavy Bombers sa alas-4 ng hapon.
Humugot ng lakas ang Altas kina Prince Eze at Edgar Charcos upang kalusin ang Pirates, 83-81, noong Biyernes at mapalakas ang tsansa sa asam nila na Final Four pagkatapos ng double round robin eliminations.
Umiskor si 6-foot-9 Eze ng game-winning putback upang ipalasap sa Lyceum ang unang talo sa 13 laro.
Nag-average si Eze sa 12 laro ng 19.2 puntos, pangalawa kay reigning MVP CJ Perez na may 20.3 puntos.
May 17.2 rebound at 4.0 block din na average si Eze.
“That was an MVP performance so I guess he made a case for the MVP award,” sabi ni Perpetual Help coach Frankie Lim patungkol kay Eze.