PAGKATAPOS niyang gawin ang Martial Law movie na “Liway”, gusto ni Glaiza de Castro na gumawa pa ng mga pelikulang magkakaroon ng malakas na impact sa mga manonood.
Hindi naman daw kailangang tungkol sa politika o historical ang tema ng mga ito ang mahalaga ay makapag-contribute siya sa pagbubukas ng isip ng mga tao tungkol sa mga isyung may kabuluhan.
Pero sa interview ng GMA kay Glaiza, sinabi nitong hindi naman talaga tungkol sa politics o Martial Law ang “Liway”, “Naging factor lang siya kasi ‘yon ‘yong setting, pero wala naman kaming diniscuss na laws or about someone.”
“Kumbaga hindi iyon ang naging focus talaga. Kaya siguro kumurot din sa tao, sabi nga ni Direk, on an emotional level ang hit niya e. Kung magpo-focus tayo doon sa political aspect of the film, baka iba ‘yong maramdaman natin,” aniya.
Dagdag pa niya tungkol sa “Liway”, “It will remind us of what our parents are doing for us. Minsan kasi sobrang focused tayo sa mga goals natin, sa mga objectives natin sa buhay, sa kalayaan natin, sa independence natin, sa mga gusto nating marating sa buhay.
“Pero hindi natin alam na ‘yong sinasakripisyo ng mga magulang natin para marating ‘yon, sobrang dami,” sabi pa ni Glaiza na muling mapapanood sa Victor Magtanggol ni Alden Richards bilang si Sang’gre Pirena ng Encantadia kasama ang tatlo pang sang’gre na sina Kylie Padilla, Sanya Lopez at Gabbi Garcia.
Ayon naman kay Direk Kip Oebanda, ginawa niya ang “Liway” para ipaalam sa buong mundo ang kuwento ng kanyang ina na naging saksi sa mga nangyaring karahasan noon at para patunayan na hindi gawa-gawa lang ang mga kuwento tungkol sa Martial Law.
“Nakakainsulto sa mga victims na sabihing hindi sila totoo. For me, ang mahalaga lang naman ay ang ikuwento ‘yong tunay na nangyari at ‘yon na ang contribution namin. Itong mga stories na ito ay katotohanan at hindi kathang-isip,” sabi ni Direk Kip.
Ang “Liway” ang nakakuha ng Audience Choice Award at Special Jury Commendation sa nakaraang 2018 Cinemalaya Film Festival.
Showing na ang “Liway” sa mga sinehan nationwide sa Oct. 10.