BUMAHA ng cash at appliances sa ginanap na Thanksgiving party para sa ikatlong anibersaryo ng FPJ’s Ang Probinsyano na ginanap nitong nagdaang Linggo.
Unang pinasalamatan ni Coco Martin ang lahat ng taong involved sa kanilang aksyon-serye na umabot na nga sa tatlong taon, hindi raw magtatagal at magiging number one sa ratings game ang kanilang programa kung hindi dahil sa kanila.
In return naman ay malaki rin ang naitulong ng Probinsyano sa bawa’t taong kasama show, mapa-artista o staff and crew dahil ‘yung iba ay muling napanood sa telebisyon at nakapagpatayo pa ng sariling bahay plus may negosyo pa.
Kaya bilang pasasalamat ni Coco sa mga taong bumubuo ng programa simula sa umpisa ay nagparapol siya, para sa naka-three years na ay kotse ang grand prize, sa two years ay P200,000 at one year, P100,000 at may mga appliances pa.
Mukhang ginanahan pa si Coco kaya nagdagdag ulit siya ng limang tig-P100,000 para iparapol at kahit ang mga hindi nanalo ay may bitbit din kaya lahat ay umuwi ng masaya. Sabi nang nakakuwentuhan namin ay ginawang Pasko ni Coco ang buwan ng Setyembre.
Happy anniversary sa Team Probinsyano.
q q q
Inagaw ni Assunta de Rossi ang atensyon ng mga dumalo sa grand media launch ng “Tres” na pinagbibidahan ng magkakapatid na Jolo, Luigi at Bryan Revilla kasama ang kanilang leading ladies na sina Rhian Ramos at Myrtle Sarrosa.
Kapareha ni Assunta si Luigi at may love scene sila sa episode ng “Amats”. Inihingi ng aktres ng “sorry” ang eksenang ‘yun kasabay ng pagsasabing itinodo niya ang eksena nila ng baguhang aktor.
Kuwento ni Assunta, “Hindi ko na matandaan (ang ginawang love scene) pero siguro dahil gusto kong maging comfortable rin siya. Ganu’n din naman ako sa ibang co-actors ko, I tried my best to feel them like that. Maybe that’s the reason kung bakit ako nag-sorry. Hindi ko na matandaan sa tagal na.”
Ang eksenang binabanggit ni Assunta ay ipinaalala ni Luigi, “Because of the torrid kissing scene. Never kong makakalimutan ‘yun, first kissing scene ko ‘yun!” nahihiyang kuwento ng binata.
At dahil baguhan si Luigi, paano niya inalalayan si Luigi sa maseselan nilang eksena, “Baka plano rin ni direk Dondon (Santos) iyon para mawala agad ang inhibitions. E, wala naman (issue), ako naman I’m just doing my job, dine-detach ko muna ‘yung sarili ko. Ginalingan ko nga para take one na, ‘yung ganu’n.
“But I think, for me ang main goal ko is para may matutunan ang audience sa story. That’s just part of the movie, that’s not the main plot at ayokong gawan ng anggulo or kasi baka iyon na lang ang abangan ng audience. E, napaka-sensitive ng pelikulang ito. It happens in real life kaya sa mga hindi aware, mag-spread tayo ng awareness,” paliwanag ni Assunta.
R-16 ang ibinigay ng MTRCB sa “Tres” dahil sa maseselang mga eksena at ipinagdiinan muli ng aktres na ang kuwento ng bawa’t episode ng pelikula ang dapat pag-usapan hindi ang kung anong ginawa nilang love scene ni Luigi kaya huwag na silang i-link ng nakababatang kapatid nina Bryan at Jolo dahil hindi raw nila type ang isa’t isa.
“I’m more into mature men, kita n’yo naman ang pinakasalan ko, di ba?” pagpapaalala ni Assunta sa media.
Ang dalawa pang episode sa “Tres” ay ang “Virgo” ni Bryan na idinirek ni Richard Somes na ayon mismo sa mga taga-Star Cinema na nakapanood na ay super ganda at puwedeng itulad sa “Die Hard” series ni Bruce Willis.
Ang “72 Hours” naman ni Jolo ay punumpuno ng pasabog kaya talagang malaki ang budget dito.
Magkakaroon ng premiere night ang “Tres” sa Set. 30, sa SM Megamall Cinema 7 at mapapanood na ito nationwide sa Okt. 3 produced ng Imus Productions at released ng Cine Screen under Star Cinema.