Naitala ang pagtaas ng bilang ng mga nasawi ala-1 ng hapon Lunes, sabi ni Capt. Joe Patrick Martinez, deputy commander ng Army 3rd Civil Relations Group.
Nakatutulong aniya sa paghahanap ang pagtuturo ng mga residente sa mga natabunang bahay, pati ang K-9 units at thermal detection device ng 525th Engineer Battalion.
Umakyat naman sa 10 ang nahugot nang buhay sa guho, na tumabon sa humigit-kumulang 24 bahay sa Sitio Sindulan, Brgy. Tina-an, at bahagi ng Brgy. Naalad, noong Setyembre 20, sabi ni Chief Insp. Roderick Gonzales, hepe ng Naga City Police.
Nagpapatuloy pa ang rescue operation sa naturang lugar, at nagpadala ng panibagong tauhan ang pulisya, Bureau of Fire Protection, Armed Forces, at Coast Guard.
Samantala, nasa 1,316 pamilya o 4,980 katao na ang naapektuhan ng landslide, ayon naman sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Sa naturang bilang, 1,258 pamilya na binubuo ng 4,741 katao ang nakikituloy ngayon sa limang evacuation center, ayon sa NDRRMC.
Nagpamudmod na ang lokal na pamahalaan, AFP Central Command, at donors ng pagkain, damit, at gamot sa mga apektadong residente, ani Martinez.