ANG susunod na pagagalitan ni Pangulong Noy sa publiko—matapos niyang sabunin si National Irrigation Administration chief Antonio Nangel at kanyang mga tauhan—ay ang mga opisyal ng Bureau of Customs.
Sasabunin ng Pangulo sa harap ng maraming tao ang mga taga customs—lalong lalo na si Commissioner Ruffy Biazon gaya ng ginawa niya kay Nangel—dahil sa mababang koleksiyon ng tarifa at walang habas na smuggling sa iba’t ibang puerto sa bansa.
Ang public scolding ay mangyayari sa State of the Nation Address (Sona) sa July 22.
Nakuha ko ang impormasyon sa aking espiya sa Malakanyang.
Sinabi ng aking espiya na inatasan ni P-Noy ang kanyang mga speechwriters na isama ang pagsabon sa mga customs officials sa draft ng kanyang Sona.
Pareho ng ugali si P-Noy sa kanyang kinaiinisan na tao, si dating Pangulong Gloria, sa pagpapahiya ng government officials sa harap ng maraming tao.
Pareho silang spoiled brats dahil sila’y pinanganak sa mayayamang pamilya.
Siguro pareho sila kung magtrato ng kanilang mga katulong noong sila’y mga bata pa: Tinuturing nila ang kanilang kasambahay na parang alipin.
Nadala nila ang pagtrato sa kanilang mga katulong noong sila’y mga bata pa sa kanilang pagtanda: Pinahihiya nila ang mga government officials na nakabababa sa kanila.
Hindi kataka-taka na ganoon kung magtrato si P-Noy sa kanyang mga subordinates—namana niya ang ugali niya sa kanyang yumaong ina na si dating Pangulong Cory.
Tinawag ni Tita Cory sa kanyang talumpati ang kanyang Vice President na si Doy Laurel na “langaw.”
Malaking kahihiyan ang ginawang yun ni Pangulong Cory kay Laurel.
Tama ang kasabihan na ang mangga ay di bubunga ng santol.
Pero, sa kabilang banda, tama lang na ipahiya ni P-Noy ang mga opisyal ng customs.
Ang pangungurakot ng mga taga customs ay dapat ilantad sa bayan.
At malaking bagay ang paglantad ng pagiging kawatan ng mga taga customs kung ang gumawa nito ay ang Chief Executive, ang Pangulo ng Pilipinas.
Dapat nga ay hindi lang ipahiya ang mga kawatan sa customs; dapat silang ikulong din.
Muntik akong mahulog sa aking kinauupuan nang marinig ko sa TV news na nakikiramay ang Malakanyang sa pamilya ng drug mule na binitay sa China.
Susmaryosep, bakit naman bibigyan ng ganoong parangal ang isang taong sumira ng maraming buhay sa China bago siya nahuli!
Ang Pinay na drug mule ay maka-18 na beses na nagpuslit ng heroin sa China bago siya nasakote.
Ang dami-dami diyang mga Pinoy na dapat bigyan ng parangal, bakit pa isang drug mule?
Nabubuwang na ba ang mga opisyal sa Malakanyang na binibigyan nila ng parangal ang isang kriminal?
Ito namang si Vice President Jojo Binay ay sumali rin sa pagbibigay parangal sa drug mule.
Nakiusap siya sa mga taga media na huwag nang pangalanan ang drug mule upang mabigyan ng privacy ang kanyang nagdadalamhating pamilya.
Malayo pa ang presidential election, pre!
Sobra kang magbalatkayo, Mr. Binay!
Bakit sa Makati, sinasalvage ang mga taong nagtutulak ng droga noong panahon n’yo bilang mayor, Ginoong Binay?
Anong pagkakaiba ng mga drug pushers sa Makati na sinalvage sa drug mule na binitay sa China?
Hindi ko sinasabi na si Binay ang nag-utos na isalvage ang mga drug pushers sa kanyang lugar noong siya’y mayor.
Ang sinasabi ko ay hindi siya kumikibo kapag may napabalita na may sinalvage na mga drug pushers sa Makati.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.