NITONG mga nakaraang araw, nagbabala ang mga eksperto sa patuloy na pagbaba ng piso kung saan sinabi nila na posibleng umabot pa ito sa P58 kada isang dolyar sa pagtatapos ng 2019.
Kinontra naman ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa pagsasabing hindi ito mangyayari dahil sa lumalaki ang padalang dolyar ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) tuwing sumasapit ang “Ber months” o pagsapit ng Kapaskuhan.
Hindi dapat iasa ni Roque ang pagtaas ng piso sa dollar remittance sa harap na rin ng patuloy na pagtaas ng inflation rate sa bansa.
Hindi ba’t noong nakaraang buwan ng Agosto, pumalo ang inflation rate sa 6.4 percent, na sinasabing pinakamataas na sa nakalipas na siyam na taon.
At base pa sa babala, tataas pa ang inflation rate dahil na rin sa epekto ng bagyong Ompong kung saan napakaraming lugar ang sinalanta nito.
Para sa mga ordinaryong tao, nangangahulugan ang napakataas na inflation rate sa pagtaas ng mga bilihin na hindi na nga makayanan ng mga tao.
Sa kanyang briefing, kinontra ni Roque na patuloy na sasadsad ang piso.
“We’re confident that the peso will rally because this is now the season where our OFWs remit more than usual amounts to their loved ones in the Philippines,” sabi ni Roque.
Sa ngayon, umaabot na ang piso sa P54 kada $1 at posibleng umabot pa ito ng P55 kada dolyar hanggang umabot ng P58 kada $1 sa katapusan ng 2019.
Bagamat sa una’y sasabihan ng ilan na magbebenepisyo naman ang mga OFWs sa mas mataas na palitan ng peso kontra dolyar pero hindi ba’t nasa Pilipinas ang pamilya ng mga OFWs na ramdam din ang napakataas na bilihin?
Hindi tuloy maiwasang isipin na wala sa posisyon si Roque na tiyakin ang pagbawi ng piso dahil hindi naman siya ekonomista.
Dapat din sigurong subukan ng ating mga opisyal na mamili para malaman nila kung gaano na kataas ang presyo ng bilihin.
Marami tuloy ang nag-aalala kung paano na ang Pasko para sa mga ordinaryong Pinoy kung ganito kamahal ang mga bilihin.
May nagpanukala pa na ngayon pa lamang isa-isa nang mamili ng pang noche buena para matiyak na may handa pa rin sa Kapaskuhan.
Hindi naman ito magandang payo dahil sa bukod sa posibleng masira ang mga panghanda sa Pasko, gumagawa na lamang ng excuse ang mga opisyal para mapagtakpan ang napakamahal na presyo ng bilihin.
Ang hinihintay ng mga mamamayan ay ang pagkilos ng gobyerno para naman mapabuti ang ekonomiya.
Duda tuloy ang marami kung may nagagawa ba ang ating economic managers para mapabuti ang buhay ng mga Pinoy.
Umaaray ang lahat sa pagtaas ng mga bilihin, mula sa bigas, gulay, isda, karne, mga bayarin, pamasahe pero parang walang nakikitang ginagawa para masolusyunan ito.
Sana nga tama si Roque na hindi aabot sa P58 ang halaga ng piso sa dolyar.