Carlo: Hindi ko ginagamit si Angelica, totoo ako sa kanya!


INAMIN ni Carlo Aquino na nahe-hurt siya kapag sinasabing ginagamit niya lang si Angelica Panganiban para umingay uli ang kanyang pangalan sa mundo ng showbiz.

Nakachikahan namin ang binata sa launching ng ika-41 store ng Beautefy by Beautederm sa Alimall Cubao, Quezon City kung saan isa siya sa mga celebrity endorsers na nag-cut ng ribbon at nag-entertain sa mga taong sumugod sa nasabing event.

Ayon kay Carlo, masakit para sa kanya ang akusahang user o manggagamit dahil hindi naman daw ito totoo. Marami ang nagsasabi na perfect couple sila ni Angelica at sana raw ay sila na ang magkatuluyan. Pero meron ding nagkokomento na naggagamitan lang sila dahil nga may movie sila ngayon.

Sey pa ng aktor, kapag magkasama sila ni Angelica hindi nila napag-uusapan ang tungkol sa kanilang lovelife o ang posibilidad na maging sila uli, “Hindi namin napag-uusapan. Maski mga kaibigan namin tinutukso kami. Wala kaming reaksiyon, nae-enjoy lang namin.

“Ang pangit kasi, ‘di ba? Isasabay mo sa pelikula. Mas may masasabi ang tao, dahil lahat ng gagawin namin ay napapansin kasi iisipin nila promo lang. Ayaw kong isabay!” paliwanag ni Carlo.

So, posible bang ligawan niya uli si Angelica after maipalabas ang movie nila? “Ha-hahaha! Tingnan na lang natin. Yun lang ‘yung ayoko, na sasabihin ng mga tao na ginagamit ko siya o ginagamit ko ‘yung pelikula para magkaroon ako ng pangalan ulit.

“‘Yun ang nakakasama ng loob na ever since naman genuine ako sa kanya, na nagke-care talaga ako na kahit may boyfriend siya at may girlfriend ako noon, nagte-text ako sa kanya na hindi naputol ang communication namin, na ngayon lang nalalaman dahil ito nga may pelikula kami,” pag-amin ni Carlo.

Samantala, naniniwala kami na hindi na kailangang gamitin ni Carlo si Angel para umingay uli ang kanyang pangalan dahil saksi kami kung gaano kainit ang pagtanggap sa kanya ng mga tao nang pumagitna na siya sa stage para sa mall show ng Beautederm kasama ang iba pang endorsers nito at ang owner nitong si Rei Tan.

Talagang pinagkagulugan ang aktor ng mga naroon para makapagpa-selfie at maka-kiss na pinagbigyan naman niya lahat. Sabi nga ni Ms. Rei, yan ang isa sa mga rason kung bakit mahal na mahal ng tao si Carlo, bukod sa magaling nang artista, mapagbigay pa sa fans.

Bukod kay Carlo, present din sa opening ng Beautefy by Beautederm sa Alimall Cubao sina Sylvia Sanchez, mag-asawang Tonton Gutierrez at Glydel Mercado, Matt Evans, Alma Concepcion, Shyr Valdez at Darla Sauler.

Read more...