Ang saya-saya ko pag sinasabing mas magaling umarte sa akin ang mga anak ko!- Sylvia Sanchez

ANG sarap ng buhay ngayon ng aktres na si Sylvia Sanchez, wala siyang ginawa kundi magbiyahe dahil pahinga muna siya sa paggawa ng teleserye at pelikula.

Simula nang natapos ang seryeng Hanggang Saan kung saan nakasama niya ang anak na si Arjo Atayde ay hindi na muna siya tumanggap ng project kahit guesting lang dahil gusto niyang magpahinga nang matagal bago siya sumabak ulit sa trabaho.

Sabi ng aktres, “Nanahimik muna ako ngayon, gusto ko munang huminga para pagbalik ko dire-diretso na naman at magiging busy, buhay na buhay na naman ako.”

Sa mahigit limang buwang pamamahinga ni Sylvia ay kung saan-saang bahagi na ng Asia siya nakarating, ine-enjoy niya ang shopping at mga pagkain. Bukod dito ay panay din ang uwi niya sa Nasipit, Agusan del Norte kung saan dinadalaw niya ang kanyang inang si mama Roselyn Campo, mga kapatid at kamag-anak. Habang sinusulat namin ito ay naroon pa ang aktres.

Maski hindi napapanood si Sylvia ngayon sa telebisyon ay hindi naman siya totally out of touch sa supporters niya dahil aktibo naman siya sa social media, “Siyempre kailangan ko ring mag-post, lalo na kapag napa-proud ka sa mga anak mo,” katwiran ng very proud mom nina Arjo at Ria Atayde.

Anyway, nitong nagdaang Linggo lang ay isa si Ibyang sa nakisaya sa Beautefy by Beautederm store opening ni Maria de Jesus sa Alimall, Cubao.

“Basta lahat ng Beautederm events, nandoon ako,” say ng aktres dahil isa siya sa pangunahing endorser ng produkto ni Rei Anicoche Ramos-Tan, Presidente at CEO ng Beautederm.

Dagdag pa ng aktres, “Siyempre tulad ko na nagbukas din ng tindahan, gusto kong suportahan at tulad ng iba, hindi rin ako magbubukas ng hindi ko ginagamit kasi unang-una hindi biro ang puhunan, ang hirap kayang umiyak sa taping lalo na pag puyat.”

q q q

Napuntahan na namin ang Butuan City store ni Ibyang at ang laki nito, aminado siyang milyones ang pagpapagawa ng puwesto pa lang kaya naman hindi niya ito solo.

Ang favorite raw niyang produkto ng Beautederm ay, “Yung linen spray nila kasi ang bango-bango.

Actually doon ako na-in love, ang sarap-sarap ng tulog mo pag in-spray mo iyon sa kuwarto at sa bed.

May pampa-relax, may pampatulog. Sabi ko nga, ako lang yata uubos ng paninda ko, kasi bumibili talaga ako.”

Natanong din ang aktres kung nami-miss na niyang umarte, “Hindi!” sagot agad ni Ibyang sabay tawa.

Marami raw offers pero hindi nga niya tinatanggap, “Lahat next year na. May movie offer na pumasok pero out of town ang shooting, tapos ‘yung sa amin ni Arjo at serye very soon, so far ‘yang tatlo pa lang ang sure.”

Ang isa pa sa ikinasisiya ng nanay ni Arjo ay maraming movie offers ang anak, “Natataranta siya ngayon, siya ngayon ang naloloka kasi hindi niya matanggap lahat. Actually, hindi yabang pero may anim o pitong pelikula ang tinanggihan na niya.

“Nakakatuwa kasi hindi dumating sa akin na inoperan ako ng six movies sabay-sabay kaya nakakatuwa bilang nanay. Tapos si Ria sunud-sunod din ang projects. Yung mga hindi ko naranasan, nararanasan ng mga anak ko, so okay na ako, masaya na ako.

“Ang saya-saya ko lalo na kapag sinabing mas magaling sa akin ang mga anak kong umarte, ay ang saya ko! Mas okay ‘yun kesa sabihing mas magaling akong umarte sa mga anak ko, nakakalungkot ‘yun,” kuwento ni Ibyang.

“Ako ang number one fan nila ngayon. Lagi kong sinasabi sa mga anak ko na huwag tayong mangarap na biglang bida agad. Dahan-dahan ninyong abutin ang pangarap ninyo bilang aktor kasi iyon ang longevity.

“Ang pangarap ko sa mga anak ko kung hanggang kailan nila gustong mag-artista ay nandiyan sila kaysa ‘yung biglang wala kaagad. Natuto na ako, like ako 27 years na ako sa showbiz, tuluy-tuloy naman ako kahit hindi bida, support lang ako at nakaka-deliver.

“Yung solid foundation, kasi hindi lang sa acting, pakikisama at pagiging professional, pag nabuo ‘yang tatlong ‘yan hindi ka basta puwedeng ibagsak ng kahit sino. At magi-gain mo ang respeto ng lahat,” esplika pa ng aktres.

Read more...