UMABOT na sa halos 30 ang bilang ng nasawi sa pagguho ng lupa sa Naga City, Cebu, ayon sa mga otoridad Biyernes.
Mula 10 ay umakyat ang bilang sa 21, Huwebes ng gabi, at nadagdagan pa ng walo Biyernes ng hapon, batay sa mga tala ng pulisya.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng lima sa mga nasawi, sabi ni Supt. Reyman Tolentin, tagapagsalita ng Central Visayas regional police.
Siyam na ang naitalang sugatan, at Biyernes ng hapon ay may natagpuan pang buhay sa “Tagaytay side” guho, sabi ni City Councilor Junjie Cruz, chairman ng Naga Disaster Risk Reduction and Management Council, nang kapanayamin ng Bandera sa telepono.
Nagpadala na ng karagdagang tauhan ang pulisya, Armed Forces, rescuers ng lungsod at lalawigan, at maging ang Bureau of Jail Management and Penology, para sa pagsagawa ng search and rescue operation.
Pero Biyernes ng hapon ay nagsimulang umambon sa landslide area, na nakasasakop sa Brgys. Tina-an at Naalad, kaya nag-iingat ang mga rescuer sa operasyon.
“Medyo maambon, so we are calculating our moves. But just the same, our commitment remains. Patuloy ang search and rescue, without compromising the safety of the rescuers,” ani Cruz.
Sa kaugnay na balita, tumanggi na ang Office of Civil Defense-Central Visayas na maglabas ng datos tungkol sa landslide.
Sinubukan ng Bandera na kumalap ng datos mula sa tanggapan, pero sinabi ng mga tauhan doon na inutusan sila ng kanilang mga opisyal na huwag magbigay ng datos sa media.