Batang Pinoy karate finalist nabulag; PSC nagbigay ng P50k tulong pinansyal

BAGUIO City — Sa ospital nauwi ang pagbibigay ng parangal sa atletang pambato ng Siaton, Negros Oriental para sa karatedo, matapos na tamaan ang mata nito sa kanyang pakikipaglaban sa huling araw ng Batang Pinoy National Finals 2018 na ginanap sa Baguio City National High School dito.

Si Albert Waminal, 16-anyos, ay nagtamo ng pinsala sa kaliwang mata matapos na tamaan sa mismong labanan kamakalawa.

Ipinaliwanag ng kanyang attending physician na si Dr. Lorenzo Fernandez, na vice-vhairman din ng Department of Opthalmologist sa nasabing ospital, dati nang may pinsala ang mata ng nasabing atleta at wala na umanong pag-asa na makakita pang muli ang kaliwang mata.

Gayunman, ang pinakamagandang magagawa na lamang umano nila ay palitan ang kanyang nasirang mata na kagaya ng kanyang kanang mata.

“His eyes have been injured noong bata pa raw siya. May case kasi siya na buphthalmos. So, none-seeing na talaga ‘yung case ng mata niya. So noong tinamaan, ayun nag-fracture na nang husto kaya dumugo na. And the best thing we can do is eye prosthesis,” ayon kay Dr. Lorenzo.

Hindi naman napanghinaan ng loob sa kabila nang pinsalang natamo si Waminal at determinado pa rin ito na ituloy ang kanyang paglalaro upang matupad ang pangarap na makapaglaro sa National Team.

“Tuloy pa rin po ang laro ko. Kaya ko naman po eh. At tsaka pangarap ko po na makasali sa National Team balang araw,” ayon kay Waminal.

Sinagot lahat ng Mayor’s Office ang gastusin sa ospital ng nasabing atleta, habang nagbigay naman ng tulong pinansyal ang Philippine Sports Commission (PSC) na P50,000.

Mismong si Baguio City Mayor Atty. Mauricio Domogan ang nagsabit ng silver medal kay Waminal sa Opthalmology ward ng ospital, kasama sina PSC Commissioners Ramon Fernandez, Celia Kiram at Charles Raymond Maxey.

Read more...