LAHAT ng mga empleyado na mayroong kapansanan o persons with disability (PWD) ay mayroong karapatan sa lahat ng benepisyo na itinatakda sa ilalim ng Labor Code of the Philippines.
Inilabas ang Labor Advisory No. 14, series of 2018 na nag-uutos sa mga employer na ibigay sa mga kuwalipikadong manggagawa na mayroong kapansanan ang kanilang mga karapatan at pribilehiyo sa ilalim ng Labor Code.
Lahat ng kuwalipikadong manggagawa na may kapansanan ay may karapatang makatanggap ng benepisyo sa ilalim ng Labor Code. Ang mga employer ay hindi pinagbabawalan na magbigay ng anumang benepisyo na hihigit pa sa itinatakda ng batas.
Ang mga manggagawa rin na may kapansanan ay dapat na saklaw ng Social Security System, PhilHealth at Pag-IBIG.
Liban pa sa service incentive leave sa ilalim ng Labor Code, ang mga PWD employee rin ay may karapatan sa Maternity Leave (RA 1161, as amended ng RA 8262), Paternity Leave (RA 8187), Solo Parent Leave (RA 8972), Violence Against Women and their Children (VAWC) Leave (RA 9262), at Special Leave for Women (RA 9710).
Ang Magna Carta para sa mga Disabled Persons, o Republic Act No. 7277 ay nagsasaad na walang taong may kapansanan ang dapat na pagbawalan na mabigyan ng mga oportunidad sa maayos na trabaho, at ang mga kuwalipikadong manggagawa na may kapansanan ay dapat ring makatanggap ng parehong kondisyon sa trabaho, kompensasyon, pribilehiyo, mga benepisyo, incentive o allowance tulad ng sa mga walang kapansanang manggagawa.
Ang Implementing Rules and Regulations ng RA 7277 ay nag-aatas sa Department of Labor and Employment, sa pakikipagtulungan sa mga local government units, pribadong korporasyon, at Public Employment Service Office, upang tulungan ang mga PWD sa mga oportunidad sa trabaho sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga job fairs, career guidance, job coaching, at iba pang serbisyo sa employment facilitation.
Information
and Publication Service
Department of Labor and Employment
Intramuros, Manila
Telephone Nos.: 5273000 local 621-627
Fax No.: 5273446
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog1977@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.