Tamang pagkuha ng driver’s license

KABABALIK ko lang galing sa Nevada, USA kung saan nag-aaral ang anak kong binatilyo. Binisita ko dahil nag-birthday at 16-anyos na siya ngayong taon.

Naisip ko rin na baka pwede na siyang magsimulang mag-aral magmaneho para hindi na siya hatid-sundo ng lola niya sa kanyang paaralan.

So sinimulan ko ang proseso ng pagkuha ng student permit para makapag-operate ng kotse ang anak ko habang tinuturuan ko magmaneho tulad nang nakagawian natin dito sa Pilipinas.

Laking gulat ko nang sabihan ako na hindi basta maaaring kumuha ng student permit ang isang bata kung nais na nilang magmaneho o matutong magmaneho. Mahaba at masalimuot pala ang proseso.

Dito ko naisip kung bakit sa ibang bansa ay may disiplina ang mga driver at sa atin ay wala. Kung bakit doon ay parang halos lahat ng driver ay alam ang patakaran sa kalye pero sa atin ay mangmang halos lahat, pati mga tinatawag na educated and professionals.

Iba’t ibang paraan, pero ang requirements ay pareho kada State sa Amerika pag kukuha ng drivers license. Kahit meron ka nang driver’s license galing ibang bansa, pag US driver’s license ang kukunin mo for the first time, dadaan ka sa parehong proseso.

Sisimulan nila ito ng “classroom education” na kailangan mong bunuin ng 30-hours. Opo, hindi po basta natuto kang magpatakbo ng kotse ay okay ka na, kailangan mong mag-aral ng walong oras kada araw sa loob ng apat na araw para alamin ang driving rules, road rules, traffic and parking rules, freeway driving rules at marami pang ibang rules bago ka mabigyan ng tinatawag na learner’s permit kung ikaw ay 15-18 years old, o driver’s test permit kung ikaw ay 18 or above.

Pagkatapos ng 30-oras na classroom education, ang 15-18 years old ay kukuha ng test bago makakuha ng learner’s permit. Kailangan nilang mag-aral ng 50-hours continuous driving experience na naka-log sa isang DMV (Department of Motor Vehicle) application sa mobile phone tuwing magmamaneho sila. Kailangan may kasama silang above 21 adult din palagi.

Pagkatapos nito ay kinakailangan muling sumailalim sa written test ang lahat ng nag-aaplay ng driver’s license, bata man o matanda. May 100 questions ang test at 3-mistakes lamang ang ibibigay sa iyo. Pag bagsak ka, puwede umulit pero bayad ka ulit ng fee.
Matapos ng written ay ang practical driving test. Sa Nevada (o kahit saan sa Amerika), kaila-ngan kotse mo o ng pamilya mo ang dadalhin sa driving test. Ang dahilan? Bakit ka kukuha ng driver’s license kung wala kang imamanehong kotse. Dito sasakay ang mag-te-test sa iyo. Isang pagkakamali mo at uwian na agad, walang excuse, bagsak ka at ulit ka.

Kung dadaanan mo nang minsanan ang lahat ng prosesong ito ay gugugol ka ng may dalawang buwan ng buhay mo para makakuha ng driver’s license. Gagastos ka rin ng aabot sa $850. Pagkatapos nito ay may buwanang gastos ka ng insurance mo na mga $30/month.

Para sa komento, suhestyon, sumulat lang po sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com o mag-text sa 09275373810

Read more...