Ang OFW at ang asawang Tambay!

MAY mga kababayan tayong pinipilipng makapagtrabaho sa mga bansang puwedeng makasama nila ang kanilang pamilya matapos ang pananatili ng ilang mga taon lamang.

Nurse si Anna sa America. Matapos pakasalan ang boyfriend na nakilala sa social media, mabilis na nakuha nito ang asawa.

Buy and sell ang hanapbuhay ni mister sa Pilipinas. Malakas siyang kumita kung kaya’t nasusunod din niya ang kaniyang mga luho. Halos mga branded ang gamit nito.

Kaya nga lamang nang pakasalan nito ang girlfriend na nurse, para bang pinakasalan na rin niya ang trabaho nito at pananatili sa America.

Palibhasa walang klarong usapan ang dalawa at normal na kostumbre naman na kinukuha at isinasama na lamang sa abroad ang kanilang napangasawa, kung kaya’t inayos kaagad ng nurse na OFW ang kinakailangang mga dokumento upang agad makahabol sa America si mister. Wala namang pagtutol ang asawa. Sinusumite naman niya ang mga dokumentong pinapaayos sa kaniya. Lahat ng mga dapat gawin, ginawa niya.

Kaya’t hindi naman nagtagal at nakaalis na siya. May sariling tirahan na rin naman ang misis niya. Kumpleto na sa kasangkapan. Kaya wala na siyang anumang inalala.

Mga personal na gamit na lamang ang dala-dala niya na naidagdag niya sa mga gamit ni misis.

Siyempre excited pa silang pareho sa una o dalawang mga buwan mula nang dumating si mister.

Nakikipagtulungan naman siya sa mga gawaing bahay lalo pa nga’t hindi naman pare-pareho ang oras ng trabaho ng nurse na misis.

Hanggang sa mabilis na tumakbo ang anim na mga buwan. Naghihintay lamang si Anna kung kailan mag-aapply ng trabaho si mister. Hindi niya ito tinatanong. Ayaw din niyang ito ang maging simula ng kanilang di- pagkakaunawaan.

Nang maka kuwentuhan ni Anna ang kababayang nakatira malapit sa kanila, nabanggit nitong nakakausap niya ang mister niya at sinasabing kapag umaalis na ang kaniyang misis: kain, tulog at gala ang inaatupag nito.

Okay lang sana kay Anna ang nabalitaan dahil inisip niyang nag-a-adjust pa ang asawa at kailangan pa niyang bigyan ng kaunting panahon pa.

Pero mahigit taon na rin ang nakalilipas, hindi pa rin nagtatrabaho si mister. Dito nagsimula ang kanilang mainit na mga pagtatalo na lalong naging madalas.

Sinabi ni mister na ayaw naman talaga niyang magtungo sa America at sa ayaw niya’t sa gusto niya, hindi anya siya magtatrabaho doon. Mamasarapin na lamang niyang maging tambay kaysa magbanat ng buto. Laking pagsisisi ni Anna. Sambit niya, sana hindi na lang siya nag-asawa!

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com

Read more...