BAGUIO City – Pilit na nilalampasan ni Karl Jahrel Eldrew Yulo ng Manila City ang itinalang kasaysayan ng kanyang nakakatandang kapatid na miyembro ng pambansang koponan na si Carlos Edriel Yulo sa pagwawagi ng pitong gintong medalya sa men’s artistic gymnastics ng 2018 Batang Pinoy National Championships dito sa BCNHS Auditorium.
Winalis ng nakababatang kapatid ng Indonesia Asian Games veteran at Japan based na si Caloy Yulo na si Karl ang pito nitong sinalihang event sa gymnastics upang mapabilang sa mga multi-sports medallist sa kada taong torneo.
“Second time ko na po sa Batang Pinoy pero ngayon lang po ako may pinakamaraming gold. Talo ako noon,” sabi ng 10-anyos at Grade 5 sa Aurora Quezon Elementary School na si Yulo. “Idol ko si kuya (Caloy) pero gusto ko siyang talunin. Super proud si mama sa amin. Palagi kong sinasabi na sa kanya na iyung medals.”
“Miss ko na po si kuya (Caloy) kasi sa Japan na siya nakatira. Siya dati nagtuturo sa akin pero di ko na nakikita. Lalo po ako nagte-train ngayon ng maigi lalo pa po coach ko po si Reyland Capellan,” sabi ni Yulo, na nagwagi rin ng apat na ginto sa ginanap na 2018 Palarong Pambansa sa Vigan City, Ilocos Sur at lima noong 2017 Palaro sa Antique.
Umiskor si Yulo ng 9.10 sa floor exercise, 9.55 sa vault, 9.70 sa pommel horse, 9.10 sa parallel bars, 9.15 sa rings, 9.50 sa horizontal bar tungo sa pag-angkin sa Class 1 Individual All-Around gold sa iskor na 51.100 puntos.
Limang ginto naman ang inuwi ni Rhendz John Wayne Castillo ng Pasig City sa Men’s Artistic Gymnastics Class 2 sa pagwawagi nito sa tatlong apparatus na pommel horse (9.3), rings (8.75) at horizontal bar (9.45) para agawin ang Class 2 Individual All-Around gold medal sa kabuuang 54.500 puntos.
Nag-ambag ng dalawang ginto sa Pasig City si Gabriel Adrinor Tajonera na nagwagi sa floor exercise (9.00) at parallel bars (9.35) habang napunta ang ginto sa vault event kay Zyrus Eduard Babasa ng Naga City (9.2).
Tinanghal na Team Champion ang Pasig City para sa gintong medalya na nagbigay ng ikalimang ginto kay Castillo. Kasama nito sina John Anthony Palles (53.80) at Gabriel Adrinor Tajonera (54.50) habang may 54.44 si Castillo para sa kabuuang 162.85 puntos ng Pasig City.
Ikaanim naman ang koponan ni Yulo na Manila City na nagkasya lamang sa kabuuang 150.5 puntos sa kategorya na pinagsama ang Class 1 at Class 2.