UMABOT na sa 81 ang naulat na nasawi at 70 pa ang nawawala dahil sa mga insidenteng dulot ng bagyong “Ompong,” ayon sa mga otoridad Miyerkules.
Kaugnay nito, patuloy pang lumalaki ang naitatalang halaga ng pinsala, lalo na sa mga pananim, industriya ng pangingisda, at mga alagaing hayop sa Luzon.
Batay sa tala ng National Police, sinasabing 66 na ang nasawi sa Cordillera, sampu sa Cagayan Valley, tig-dalawa sa Central Luzon at Metro Manila, at isa sa Ilocos region.
Sa 66, nasa 48 na ang nasawi sa Benguet, 11 sa Baguio City, anim sa Mountain Province, at isa sa Kalinga, ayon sa Cordillera regional police.
Ang 48 nasawi sa Benguet ay kinabibilangan ng 44 sa bayan ng Itogon, tatlo sa La Trinidad, at isa sa Tuba.
Ang mga nasawi sa bayan ng Itogon ay kinabibilangan ng 17 sa Brgy. Ucab, kung saan may bunkhouse at iba pang istrukturang nalibing ng landslide. Nasa 56 katao pa ang nawawala sa naturang barangay, ayon sa regional police.
Damage papalo sa P20B?
Samantala, inulat ng Department of Agriculture na P16.76 bilyon na ang naitalang pinsala sa pananim at industriya ng pangingisda, sa Ilocos region, Cagayan Valley, Cordillera, Central Luzon, at Calabarzon.
Pero sa hiwalay na tala ng tanggapan ng DA sa Cagayan Valley, sinasabing mahigit P15 bilyon na ang naitatalang halaga ng pinsala sa mga pananim, lalo na sa palay at mais, sa rehiyon pa lamang, ayon sa ulat ng OCD-2.
Nakapagtala naman ng mahgit tig-P2 bilyon pinsala sa mga pananim sa Ilocos region at Central Luzon, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Mahigit P370 milyon na ang halaga ng naitalang pinsala sa mga pananim sa Cordillera at mahigit P10 milyon naman sa Calabarzon.
Nadagdag naman sa listahan ng mga nagdeklara ng state of calamity ang mga lalawigan ng Ilocos Norte at Quirino.