MATAPOS magkasya sa pares ng pilak ay bumalikwas ang mga Pilipinong paddlers upang hablutin ang dalawa pang gintong medalya sa pagpapatuloy ng kampanya nito sa 2018 ICF World Dragon Boat Championships sa Gainesville, Georgia, USA.Malaki ang pasasalamat ng pambansang koponan sa mga tumulong sa kanilang kampanya partikular sa paggastos sa paglahok ng women’s squad na nagbigay daan sa mga national paddlers na makakarera sa mixed category ng prestihiyosong torneo sa Lake Lanier Olympic Park.Kinolekta ng mga Pinoy ang ikatlong ginto sa 10-seater senior mixed 200-meter event Sabado ng umaga (Linggo sa Pilipinas) bago muling nagwagi sa 20-seater senior mixed 200m sa katanghalian upang angkinin ang kabuuang apat na ginto at dalawang pilak na medalya sa torneo.Mayroon ang mga miyembro ng Philippine Canoe Kayak and Dragonboat Federation (PCKDF) ngayon na apat na ginto sa mixed category matapos ang pagtutulungan ng kalalakihan at kababaihan tampok pa ang dalawang bagong record sa torneo.
“Go For Gold helped us bring the women’s team here. Their assistance was crucial for us to succeed,’’ sabi ni PCKDF head coach Len Escollante.
Tampok sina Mark Jhon Frias, Ojay Fuentes at Hermie Macaranas kasama sina drummer Patricia Ann Bustamante at steerer Maribeth Caranto ay nanguna ang Pilipinas sa 10-seater senior mixed 200m race sa 50.469 segundo, na halos tatlong segundo na mabilis sa France (53.056) na naghabol ng husto patungo sa finish line.
Inuwi ng Hungary ang tanso sa 53.158 segundo kasunod ang host United States (53.463), Italy (53.9) at Germany (54.437).
“We’re very happy to support the team. We are firm believers in equality in sports and we hope that we can encourage more women to join not just dragon boat, but all sports,’’ sabi ni Go For Gold top executive Jeremy Go.
Ang tulong ay nagbigay ginto sa Pinoy paddlers sa big boat senior mixed 200m finals matapos talunin ang Czech Republic sa halos isang buong bangka na abante sa 43.481 segundo.
Ang mga Pilipinong rowers, na suportado rin ang paglahok ng Philippine Sports Commission, ay matagumpay na naipagtanggol ang 20-seater senior mixed 500m title at ang 10-seater senior mixed 500m sa unang araw ng torneo nakaraang Biyernes.