Angelica: Dapat game kang sumugal sa pag-ibig, at dapat handa ka ring masaktan!


KUNG iintindihing mabuti ang titulo ng bagong teleserye nina Angelica Panganiban at Zanjoe Marudo na PlayHouse, parang ang dating nito sa amin ay “bahay-bahayan”.

Pwede ring “live-in” dahil hindi naman kasal ang mga karakter nina Angelica at Zanjoe Marudo pero nagsasama sa iisang bubong bilang guardian ng batang si Justin James Quilantang na anak ng kaibigan nila (Denise Laurel).

Kaya naman sa presscon ng PlayHouse ay natanong ang members ng cast kung nasubukan na nilang makipagbahay-bahayan o makipag-live in?

Sagot ni Smokey Manaloto, “Siyempre kung mayroon kang special someone, minsan ‘yun ang gusto mong mangyari. Di ba you’re in a relationship na ganito pala na ‘pag may relas-yon, so parang tine-train mo na ang sarili mo sa future. Ako dumaan ako sa ganu’n.”

“Actually hindi ko maintindihan, play house o bahay-bahayan parang madaling i-explain sa English. Well, in every relationship, ako I had a 29-year relationship, yes dumating sa punto na minsan hindi kayo nagkakasundong mag-asawa na you have to pretend in front of the children na everything’s okay na siyempre hindi naman puwedeng malaman pa ng mga bata ang problema pero nu’ng tumanda na sila (mga bata), nawala na rin ‘yung play house so wala na ‘yung bahay-bahayan.

“Habang tumatanda sila, mas magandang ino-open mo sa mga anak mo. I guess everybody who’s been in a relationship has done bahay-bahayan,” paliwanag ni Nadia Montenegro.

Sabi naman ni Dexter Doria, at sina “Alam n’yo po, ‘yang bahay-bahayan na ‘yan sa mga panahong ito, e, dapat subukin n’yo muna ang maglaro bago magdesisyon na gusto n’yo nang mag-asawa. Pero ako, napilitan akong makipagbahay-bahayan kasi ‘yung unang relasyon ko, it didn’t work out so no choice. Kasi sa isip ko, ayaw ko nang mag-asawa, parang mas masarap na lang makipagbahay-bahayan at any moment na hindi kayo magkasundo (madaling maghiwalay).”

Para naman kay Malou de Guzman, “Hindi ko nga alam kung ano ba ‘yun. Siyempe nu’ng mga bata tayo, larong bahay-bahayan. Pero ngayong malaki na nagkaroon ng bahay parang nag-attempt ng bahay-bahayan kaya lang nasunog ‘yung bahay…iba pala ‘yung laro, sungka (sabay tawa). Hindi ako praktisado sa larong ‘yan, eh. Meron naman kaya lang hindi ako suki ng larong ‘yan.”

Ayon kay Angelica sa pag ibig ay walang kasiguraduhan, “May mga pagkakataong hindi ako sigurado sa mga pinapasok ko. Pero ngayon po ang gusto ko ay sigurado na. Pero wala nga kasi talagang kasiguraduhan kaya dapat handa kang sumugal sa pag-ibig kung talagang handa ka nang magmahal at kung kaya mo nang masaktan ulit.

“At dapat lagi kang panalo para sa sarili mo kahit na inisip ng iba na talo ka dahil marami ka namang natutunan sa nangyari sa buhay mo,” aniya pa.

Sabi naman ni Zanjoe, “Wala namang kasiguraduhan talaga, ako sigurista akong tao, takot ako kung hindi ako sigurado kung maganda ‘yung resulta ng papasukan ko. Kunwari hindi ako kumportable maski sa laro, hindi ko na susubukan.

“Pero may mga natutunan tayo tulad ngayon matapang na ako kahit hindi ako sigurado, sinusubukan ko pa rin kasi baka maganda ang kalabasan,” dagdag pa ni Z.

Mapapanood na ang PlayHouse ngayong umaga bago mag-It’s Showtime. Kasama rin dito sina Kisses Delavin, Donny Pangilinan, AC Bonifacio, Ariella Arida, Ingrid dela Paz at Jomari Angeles, mula sa GMO unit.

Read more...