NOONG Miyerkules ng halos maghahatinggabi, nagulat ang marami sa isinagawang crackdown ng Quezon City Police District (QCPD) Station 3 sa mga tumatawid sa intersection ng Quirino Highway at Mindanao Ave.
Wala sanang kuwestiyon kung isinagawa ng umaga ang kampanya sa mga umano’y lumalapag sa jaywalking.
Ang kuwestiyonable lang bakit ito gagawin ng pasado alas-11 ng gabi.
Walang kamalay-malay ang mga tumatawid sa kanilang violation kapag isa-isa nang hinaharang ng mga pulis na hindi pa naka-uniporme.
Nang tatanungin ng mga tao kung ano problema, biglang sabi ng mga sinasabing pulis na jaywalking ito dahil bawal tumawid sa naturang intersection.
Bigla ka tuloy mapapaisip kung nasa tamang wisyo ang mga pulis dahil kung titingalain mo ang mataas na footbridge, hindi mo gugustuhing dumaan dito dahil sa bukod sa napakadilim, napakalawak pa nito kayat imposibleng makaligtas ka sa mga kawatan sakaling ikaw ay mabiktima.
Nang sabihin ang pananaw sa mga pulis, ang tanging nasabi lang nila ay maaari namang magsumbong sa pulis sakaling mabiktima at idinagdag pa nila na marami na silang naipakulong na mga suspek.
Madaling sabihin na agad magreklamo sa pulis, pero paano ang trauma na mararanasan ng mga biktima, aantayin pa ba itong mangyari kung pwede namang maiwasan?
Kung gusto talaga ng QPCD Station 3 na daanan ang sinasabing overpass, postehan nila ng mga nakaunipormeng pulis at gawing maliwanag.
Isa pang kuwestiyonable sa ginawa ng mga pulis ay nang sabihin na hindi naman daw manghuhuli, kundi warning lang pero kinuha ang mga ID ng mga tumatawid at inilista ang mga impormasyon ng mga tao kagaya ng pangalan, tirahan at trabaho.
Dito pa lang manghihinala ka na kung simpleng panghuhuli ito ng mga lumalabag sa jaywalking.
Bakit kailangang kunin ang mga impormasyon ng mga tao kung warning lamang ang ginawang panghuhuli?
Hindi tuloy maiwasang isipin na may ibang pakay ang mga pulis, kagaya ng bagong bersyon lamang ito sa kampanya nila kontra tambay dahil inaalam pa nila trabaho ng mga hinuli.
Napakaraming oras ba ng mga pulis para gugulin ang kanilang oras sa mga simpleng lumalabag sa jaywalking?
At hindi rin maiiwasang isipin na gagamitin ang listahan ng mga pangalan na kanilang kinuha sa ibang plano kagaya ng kanilang operasyon galugad.
Praning mang mag-isip ng mga tao, hindi masisi ng mga pulis mula QCPD Station 3 na maging paranoid dahil ilan na bang inosenteng tao ang nabibiktima ng iilang pasaway na pulis?
Maaari namang gawin ng QCPD Station 3 ang kanilang trabaho nang hindi nalalabag ang karapatan ng mga ordinaryong mamamayan.