Pacquiao, Arum nagkaayos na

MANNY PACQUIAO AT LUCAS MATTHYSSE

NAGKAAYOS na sina Filipino boxing superstar Manny Pacquiao at longtime promoter ng Top Rank na si Bob Arum.

Matapos na magbanta kamakailan na magsasampa ng kaso dahil sa hindi pagbabayad ng TV fee, sinabi ni Pacquiao na naayos na ang gusot sa pagitan ng Top Rank at Team Pacquiao.

Sinabi pa ni Pacquiao na ang kanyang nai-post sa Instagram ay resulta lamang ng “miscommunication” sa pagitan ng dalawang partido.

Inanunsyo ni Pacquiao noong Martes na nakahanda itong magsagawa ng “legal proceedings” laban sa Top Rank patungkol sa US rights payment na hindi pa nito natatanggap matapos ang laban kay Lucas Matthysse para sa World Boxing Association (WBA) welterweight title noong Hulyo 15 na ipinalabas sa ESPN+.

Sinabi ni Arum mula sa ulat ng ESPN na agad tiningnan ng legal department ng Top Rank ang nasabing isyu matapos lumabas ang Instagram post ni Pacquiao.

“We read the Instagram post and Harrison handled it with Pacquiao’s attorney, and it looks like everything will be resolved,” sabi ni Arum sa ulat ng ESPN.

Agad naman binura ni Pacquiao ang nasabing post.

Sa kasalukuyan ay nasa fighter database pa rin ng Top Rank si Pacquiao.

“I would like to thank Bob and Top Rank for helping guide my career and for the many great years of working together,” sabi ni Pacquiao. “We have accomplished so many amazing things together.”

Read more...