WALA munang Pagninilay sa Unang Pagbasa’t Salmo dahil masakit ang biro ni Fr. Noel Gatchalian sa Misa para sa rebeldeng Antonio Trillanes 4. Di ko mapalalagpas ang kahihiyan, na umani ng pandudusta, sa ipinagpipitagang mga paring SVD (tinitingala ko sina Jerome Marquez, na itinaas sa provincial; Jerry Orbos at Bel San Luis).
Sa mga Linggo ng karaniwang panahon ang pagtatalaga sa Tinapay ng Buhay (mula sa Ebanghelyo ni San Juan) at ang healing Gospels nina San Marcos (7:31-37) sa pagpapagaling sa pipi’t bingi (ika-23 Linggo); Lucas (6:6-11), pinagalaw ang di maiunat na kamay, sa kapistahan ni Apung Kulas (Bacolor, Pampanga), o San Nicolas Tolentino; at Lucas (6:12-19), ang pagpapagaling sa lahat ng may karamdaman, sa kapistahan ni San Ambrosio.
Nakapanlulumong hilingin ni Gatchalian ang pagkakasakit ni Duterte, at bawiing biro iyon (kung palabiro si Gatchalian, mas sa kanya si Fr. Glen Gomez, SVD, sa kanyang mga Misa na ang pangunahing tagapagtaguyod ay ang Philippine Daily Inquirer). Para kay Cardinal Tagle at sa mga pari sa Diocese of Malolos, di dapat magbiro para magpatawa sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo dahil hindi komedyante ang mga pari (nagiging komedyante na si Fr. Gomez, at di natatawa ang aking pamilya sa pagputok ng araw sa silangan).
Para idaan sa biro ang kahilingang magkasakit ay hindi ginagawa, nungka, ng healing priests sa National Shrine of the Divine Mercy (Pros Tenorio, Vic Robles, Yuli Reyes, Bishop Deo Yniguez, Roger Cruz, Raniel Pineda, Alvin Pila, Soy Hernando, Fidel Raura, Mar Ladra, Nap Baltazar, Oscar Duran, Gerry Suarez, Mons. Sabino Vengco Jr., atbp), kaya gumagaling, pati na ang may cancer.
Ang mga paring nagpapatawa sa homilia ay tamad; hindi naghanda, hindi sinaliksik ang Unang Pagbasa, Salmo, Ikalawang Pagbasa’t Magandang Balita, o kundi’y pasang-awa sa teyolohiya’t homilitics. Marahil, ang akala nila’y tanga’t bobo ang mga dumadalo sa Misa. Malas lang nila kung nasa sulok sina Francisco Tatad, Ricardo Saludo, Jarius Bondoc, Josephus Jimenez, Jerry Tundag, Valerino Avila at Asam Bautista.
May mga pari rin namang sipsip sa sponsor (unawain, ipagdasal) at iyan din ang naging paninimbang ni Fr. Antonio Rosales nang siya’y kura sa Forbes Park, Makati. Pero, garapalan ang ginawa ni Gatchalian. Hilingin na magkasakit si Duterte para siya’y makapagpahinga dahil siya’y pagod na? Walang hihiling na ganyan si Fr. Orbos, SVD, na sa kabila ng nakababahalang karamdaman ay patuloy na ginagabayan ang kawan.
Kung magkasakit man si Duterte, ito’y mula sa kanyang mga kasalanan, bisyo, pag-abuso sa kalusugan o kapasyahan ng Diyos. Sa bawat kapasyahan ng langit ay may maganda at makatarungang dahilan. Pero, para sa pari na pabiro raw na hilingin ang pagkakasakit sa kanyang homilia, matutuwa ang demonyo. Paano kung pagalingin ng Diyos si Duterte sa kanyang sakit? Padre, baka gusto mong mangumpisal muna bago umpisahan ang susunod na Misa, tulad ng ginagawa ng isang pari (kahit nakapagmura sa trapiko) sa Diocese of Malolos? Ang mga pari ay itinuturing na banal, na kailangan ang constant purification.
Kapag rape joke ni Duterte, headline. Maging si Rene Saguisag ay nagngangalit ang mga ngipin. Bakit walang umalma sa rape joke ni Raul Manglapus, na mas matindi pa kesa kay Digong? Bilang mamamahayag sa 44 taon, at kumober ng Forbes rape case (waterbed), may mga kaso rin naman ng rape na ibinabasura ng piskalye at RTC. TY Kerima Polotan. Inilalathala mo ang rape dismissals (“It’s my effort to stand up when caught in the pump”).
UST (Usaping Senior sa Talakayan, Buhol na Mangga, San Ildefonso, Bulacan): Matatanda ang napabalitang gumagamit ng medical marijuana sa US. Maraming matatanda sa Pinas at marami ring marijuana. Dahil engot pa ang DOH hinggil sa medical marijuana, malamang mas lalong magkasakit ang matatanda. Maling akala: ito’y hinihithit. Sa hithit, walang pag-aaral sa epekto ng dami at lalim ng nahithit. Ang tiyak: naaaksidente ang mga driver na naka-marijuana.
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-ugnayan sa Malibong Matanda, Pandi, Bulacan): Ang inflation ay nararamdaman ng isang pamilya kung merong mga miyembro na tamad, gayung puwede naman silang magtrabaho, magtanim o mamulot ng plastic. Tila walang tamad sa Malibong Matanda. Ang paninindigan ni Fr. Arvin Jimenez (San Jose Manggagawa), ang tamad huwag pakainin.
PANALANGIN: O Jesus, ipinagdarasal ko ang paring di tapat sa iyo. Cardinal Carberry.
MULA sa bayan (0916-5401958): May tanim ngang gulay, nanakawin naman. Kaya, bibili pa rin ng mahal na gulay. …9082, Buhangin, Butuan City
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.