Bakit biglang tumahimik si Marian sa pagtakbo ni Dingdong sa 2019?

ZIA, MARIAN RIVERA AT DINGDONG DANTES

Pagkatapos kumpirmahin ang pagtakbo ng asawa niyang si Dingdong Dantes sa Eleksyon 2019, ayaw nang magsalita pa ni Marian Rivera tungkol dito.

Kung matatandaan sa isang event ibinalita ni Marian na tuloy na ang pagtakbo ng kanyang mister next year pero hindi niya binanggit kung anong posisyon.

Kasabay din nito ang paglabas ng balitang kasama ang pangalan ni Dong sa listahan ng mga posibleng tumakbong senador under Liberal Party, kahilera ang mga name nina Agot Isidro, Jim Paredes at Leah Navarro.

Pero ng matanong muli tungkol sa political plans ni Dingdong sa presscon ng “Kapusong Pinoy: Paskuhan at Kantawanan sa Anaheim” ng GMA kung saan kabilang si Marian sa mga Kapuso stars na magpe-perform para sa mga kababayan natin doon, umiwas na siyang magsalita.

“Yung reaction? Siguro yung asawa ko na lang ang sasagot sa bawat questions tungkol sa pulitika. Isa lang ang masasabi ko, ang tao, walang masamang hangad lalo na kung ikabubuti ng kapwa,” ani Marian.

Siyempre, 100% daw niyang susuportahan ang asawa kung sakaling tumakbo nga ito bilang senador, pero sa mga plano nito, “Asawa ko na lang ang tanungin niyo diyan,” pag-iwas ni Marian.

Samantala, dahil sa drama anthology niya sa GMA na Tadhana, mas lalo raw niyang minahal ang mga OFW. Kaya naman excited na siya sa maagang Christmas treat ng GMA Pinoy TV sa mga OFW sa Aneheim, California.

Ito’y sa pamamagitan nga ng kanilang show na “Kapusong Pinoy: Paskuhan at Kantawanan sa Anaheim,” sa Oct. 7 sa The Grove of Anaheim, Los Angeles, California. Ka-join niya rito sina Ai Ai delas Alas, Christian Bautista, Julie Anne San Jose, Donita Nose at Super Tekla.

Read more...