Bagyong Ompong nasa PAR na, malapit na sa super typhoon category

PUMASOK na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Ompong na malapit ng maging super typhoon.

Bandang alas-3 ng hapon ng pumasok ang bagyo na may international name na Mangkhut ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration.

Ngayong araw ay umaabot na sa 205 kilometro bawat oras ang bilis ng hanging dala ng bagyo. Kung aabot ito sa 220 ay idedeklara na itong super typhoon ng PAGASA.

Ngayong umaga ang bagyo ay tinatayang nasa layong 805 kilometro sa silangan ng Virac, Catanduanes.
Sinabi naman ni House committee on appropriations chairman Karlo Nograles dapat nakapuwesto na ang bigas ng National Food Authority bago tumama ang bagyo sa lupa.
Aniya dapat ay maging mabilis ang relief operation sa masasalanta ng bagyo. Kung masisira umano ang mga daan ay magiging pahirapan ang pagpapadala ng tulong kaya dapat ay nakapuwesto na ang mga ito ngayon.
“What we want to prevent is the kind of food and rice shortages that occur when whole areas become inaccessible because roads are impassable,” ani Nograles.
Ayon sa NFA mayroon itong 2.2 milyong sako ng bigas sa mga warehouse nito na magagamit sa emergency at relief operations.

Read more...