Itinaas ang blue alert sa NDRRMC operations center alas-5 ng hapon para sa patuloy na pagsubaybay sa lagay ng panahon at paghahanda, ayon sa ahensiya.
Inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong may international name na “Mangkhut,” Miyerkules ng gabi, at tatawaging “Ompong.”
Una nang inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration na maaaring lumakas pa ang bagyo bago pumasok sa bansa, at maaaring maging super typhoon.
Tiniyak na ang pagpapatupad ng no sail at no fishing sa Cagayan Valley region bilang paghahanda sa bagyo, ayon sa NDRRMC.
Naghanda na ang Department of Social Welfare and Development ng P1.7 bilyon halaga ng pondo at iba-ibang supply, at ikinasa na rin ang prepositioning ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan para sa posibleng relief operations.
Naghahanda na rin ang emergency telecommunications cluster para tiyaking may linya ng komunikasyon oras na tumama ang bagyo.
Inatasan naman ang Armed Forces, National Police, Bureau of Fire Protection, at Coast Guard na maghanda para sa posibleng deployment sa mga lugar na maaapektuhan.
Namataan ang bagyo Lunes ng hapon, sa layong 2,440 kilometro silangan ng Southern Luzon, taglay ang hanging aabot sa 140 km kada oras, bugsong 170 kph, at bilis na 30 kph.
Posibleng magtaas ng signal no. 1 sa Cagayan Valley sa Huwebes, bago ang pagdaan ng bagyo sa pagitan ng mga lalawigan ng Cagayan at Batanes, Sabado.
Maaring magdulot ang bagyo ng matinding pag-ulan sa Cagayan, Isabela, Apayao, Kalinga, Abra, Ilocos Norte, Batanes, at Babuyan Group of Islands sa Biyernes, ayon sa NDRRMC.
Inaasahan din ang pag-ulan sa maraming bahagi ng bansa oras na lumapit sa kalupaan ang bagyo, dahil hahatakin nito ang habagat.
Pero wala pa man ang bagyo, dumaranas na ang masungit na panahon ang ilang bahagi ng Hilagang Luzon dahil naging tropical depression na ang dating low pressure area sa Batanes.
Pinangalanang Neneng ang naturang sama ng panahon, na inaasahang lalabas ng bansa, Martes.