Kasong Lacson: pautang ng sandali mo

SIMULA kanina, o 24 oras pagkatapos ihayag na sasampahan ng double murder si Sen. Panfilo Lacson bunsod ng pagdukot at pagpatay kina Salvador “Bubby” Dacer at Emmanuel Corbito noong 2000, matamang sinundan at pinakiramdaman ng Bandera ang opinyon mo, ng taumbayan.
Sa unang 12 oras, tila hati ang pananaw ng taumbayan, lalo na ang Bandera readers (meron po kaming reader database, ang tanging pahayagan na kayang kausapin ang kanyang mambabasa at masugid na mga tagasubaybay anumang oras).
Heto ang ilang tampok na opinyon:
*  Napakatagal naman, parang tinetiyempo lang sa kampanya sa eleksyon.
*  Dapat lang.  Kadududa-duda ang kanyang (Lacson) parating sinasabi na hindi niya alam ang pagdukot at pagkidnap kina Dacer at Corbito gayung mga tauhan niya’t opisyal ang mga nasasangkot, na araw-araw (o oras-oras, para sa mga opisyal) ay nagre-report sa kanya.
*  Kung dawit si Lacson sa kidnap-murder, bakit naman niya gagawin ito (pag-aaralan, pagpaplanuhan, isasagawa sa tulong ng maraming tauhan), gayung walang malaking alitan ang namagitan sa kanila ni Dacer?
*  Gumaganti na sina Pangulong Arroyo at First Gentleman Mike Arroyo.  Kasi nga naman, napakaraming ibinintang ni Lacson sa mag-asawa, sa sunud-sunod na pagdinig sa Senado, kuntodo testigo pa, pero wala namang napatunayan at puro drawing lang pala.
*  Mas mabuti na ang ipagtanggol ni Lacson ang sarili sa korte at di sa mga privilege speeches, na pera na naman ng taumbayan ang nawawaldas.
*  Inosente si Lacson.
Taumbayan (nasa bansa ka man o nasa abroad), uutangin namin ang ilang saglit ninyo: ano sa pananaw ninyo ang tinutunton ng double murder cases?

LITO BAUTISTA, Executive Editor
BANDERA, 010810

Read more...